Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga pari sa Pilipinas sa kabila ng patuloy na paglaki ng populasyon ng mga Katoliko sa bansa, ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Batay sa tala ng CBCP, umabot na sa mahigit 73.6 milyon ang bilang ng mga Katoliko sa Pilipinas noong 2025 mula sa 61.6 milyon noong 2016.
Gayunman, kasabay ng pagdami ng mga mananampalataya ang pagbaba ng bilang ng mga pari—mula 12,964 noong 2016 ay naging 10,178 na lamang noong nakaraang taon.
Ipinapakita ng mga datos na lumalala ang kakulangan ng mga pari sa bansa. Ayon sa pamantayan ng Simbahang Katolika, dapat ay may isang pari sa bawat 2,000 Katoliko. Subalit batay sa datos na ibinahagi ni Cardinal Pablo Virgilio David, umaabot na sa higit 7,000 Katoliko ang pinaglilingkuran ng bawat pari sa kasalukuyan.
Bunsod nito, nagiging hamon umano ang pagbibigay ng sapat na pastoral na pangangalaga sa mga komunidad, lalo na sa mga malalayong lugar.
Sa ilang kaso, napipilitan ang mga pari na maglingkod sa mas maraming parokya o komunidad, na nagdudulot ng pagkapagod at kakulangan sa oras para sa bawat mananampalataya.
Ilan sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga nagpapari ay ang mataas na gastos sa pag-aaral sa mga seminaryo, mga responsibilidad sa pamilya, at ang tinatawag na “internal discernment” o ang personal na pagtugon sa bokasyon ng paglilingkod sa simbahan.
Bukod dito, kinakaharap din ng Simbahang Katolika ang mas malawak na hamon ng pagbaba ng bokasyon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bahagi ng mundo.
Sa kabila nito, patuloy ang panawagan ng Simbahan sa mga Katoliko na suportahan at hikayatin ang kabataan na tahakin ang bokasyon sa pagpapari.
Inilunsad din ang iba’t ibang programa tulad ng vocation awareness campaigns upang matugunan ang kakulangan ng mga pari at masiguro ang patuloy na paglilingkod sa lumalaking bilang ng mga mananampalataya sa bansa.
"The call to the priesthood is not just a personal journey; it is a divine invitation that enriches the entire Church. We must actively encourage our young men to discern this sacred calling, reminding them of the profound joy and fulfillment that comes from serving God and His people," ani Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa hiwalay na pahayag.
Sa kasalukuyan, nananatiling malaking hamon para sa Simbahang Katolika sa Pilipinas kung paano mapupunan ang kakulangan ng mga pari habang patuloy na dumarami ang mga Katoliko sa bansa.