May 22, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: 71-anyos na magsasaka, muling nagpatuloy at nakatapos ng pag-aaral!

#BalitaExclusives: 71-anyos na magsasaka, muling nagpatuloy at nakatapos ng pag-aaral!
Photo courtesy: Arven Parafina (FB)

Inulan ng pagbati mula sa netizens ang larawan ng isang guro sa Atimonan, Quezon dahil sa pagtatapos ng pag-aaral sa Senior High School ng isang 71-anyos na magsasaka. 

Ayon sa naging Facebook post ng pampublikong guro na si Arven Parafina noong Marso 30, 2026, makikita ang isang larawan kung saan kasama niya ang isang matandang lalaki na nakatoga at matagumpay nang nakapagtapos ng pag-aaral sa Atimonan National Comprehensive High School (ANCHS). 

“CONGRATULATIONS, "Daddy" Hindi basehan ang edad para makapagtapos at abutin ang pangarap! Our 71 year old student graduated from ANCHS Senior High School (SHS) this year, 2026! A true testament that it’s never too late to chase your dreams and finish what you set out to do,” saad ng guro sa caption. 

Photo courtesy: Arven Parafina (FB)

Screenshot mula sa FB post ni Sir Arven.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Tatay Eleuterio Estrada o mas kilala bilang “Eddie,” 71, mula sa Barangay Buhangin, Atimonan, Quezon nitong Biyernes, Abril 3, 2026, ikinuwento niyang huminto raw siya sa third year High School noong 25-anyos pa lang siya dahil kinailangan niyang magtrabaho bilang magbubukid at karpintero. 

Trending

Pinoy Guinness World Record holder, personal na kinilala ni PBBM

Ani Tatay Eddie, muli lang daw siyang nagtuloy sa pag-aaral matapos ang mahigit apat na dekada mula noong 1980 dahil sa paghihikayat niyang mag-aral sa kaniyang anak na nahihirapan daw noon. 

“Dahil nagkaroon ako ng anak. ‘Yong anak ko, ini-encourage ko na mag-aral dahil naranasan ko ‘yong kakulangan ng pag-aaral at ‘yong hirap ng walang pinag-aralan. Ayaw niyang mag-aral, tinuturuan ko siya pero talagang umiiyak siya,” pagsisimula niya. 

Pagbabahagi ni Tatay Eddie, nakakita raw siya ng pagkakataong makapag-aral ulit nang makita marami ng ibang matandang estudyante ang nakapagtapos sa Alternative Learning System (ALS), sa ilalim ng programa ng Senior High School (SHS). 

“Na-encourage siyang mag-aral sa ALS. Paghahatid ko sa kaniya, nakita ko ‘yong mga larawan doon na may mga edad na, mga naka-graduate. Sabi ko, ‘Bakit mga matatanda na ‘yong mga naka-graduate?’ Sabi no’ng mga instructor, ‘Dito ay walang edad-edad. Kung kaya mo, magsabi ka.’ Na-encourage ako na mag-aral noong unang attempt ko,” aniya. 

Pagkukuwento ni Tatay Eddie, hindi raw niya maikakailang nahirapan siya sa muling pagbabalik niya sa eskwela ngunit pangarap raw ng kaniyang mga magulang para sa kaniya ang makapagtapos at samantalahin ang pagkakataon habang inihahatid din siya sa paaralan ang kaniyang anak. 

“Mahirap pero ang naging dahilan ko para magpatuloy, unang una, pangarap ‘yan ng magulang ko. Ikalawa, pagkakataon na ito na ihahatid ko ‘yong anak ako, sasamantalahin ko na rin ‘yong pagkakataon,” saad niya. 

Aniya pa, tila raw normal lang ang kaniyang naramdaman sa pakikisama sa kaniyang mga kaklase dahil pare-parehas naman daw silang nangangarap makapagtapos. 

“Ang naramdaman ko ay normal lang sapagkat nagdaan ako sa ganoong edad. Sila, itinuturing kong mga anak, tatay, dahil meron din na ka-level ko, kaya ‘yong paggalang nila sa akin, pinapakita ko ‘yong sinasabing ‘yong karunungan ay malaking hagdan sa pamamagitan ng pakikiisa ko sa kanila. Inaadjust ko ‘yong sarili ko,” ‘ika niya. 

Ayon kay Tatay Eddie, nakaramdam daw siya ng saya nang makapagsuot na siya ng toga at makapagtapos bilang katunayan na sinagutan niya talaga ang mga pagtatasa sa pag-aaral sa tulong ng kaniyang mga naging guro. 

“Masaya. Ang magsuot ng toga at saka ‘yong katibayan na talagang ‘yan ay inexam ko… Alam ko na moderno na ang pagtuturo, ang mga maestra, nakita kong mahuhusay talaga sila. Kahit ako’y may edad na, nakita ko kanilang kaniya-kaniyang kakayahan,” anang Tatay. 

Hindi pa umano nakakapagdesisyon si Tatay Eddie na itutuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo dahil tila nakakaramdam na raw siya ng mga pagbabago sa kaniyang katawan dahil na rin sa kaniyang edad. 

Mensahe ni Tatay Eddie, ngayon na raw ang pagkakataon upang ituloy ang mga nahintong pangarap ng mga katulad niyang matanda na upang mag-aral muli. 

“Kung talagang interesado sila o ‘di kaya ‘yong mga nahinto nilang pangarap na mag-aral ay ito na ‘yong pagkakataon para ipagpatuloy at makipagkomunikasyon lang sa mga kinauukulan. Talagang sinasabi natin na hindi dahilan na kung ikaw man ay matanda na, ‘yon ay kung kaya mo,” payo ni Tatay Eddie. 

“Hangga’t kaya, walang nahuhuli. Ang ipakita mo ay ‘yong kakayahan mo. Ang edukasyon, kagandahan ‘yan, isang karangalan na agad sa tao. High School pa nga lang, ‘yon pa kayang college,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, umabot na sa mahigit 2.4K reactions at 100 shares ang naturang post ni Sir Arven tungkol sa pagtatapos ni Tatay Eddie. 

MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: SHS graduate, masayang isinuot medalya sa amang tinderong PWD!