“Ako po ‘yong mas proud kay Papa.”
Viral ngayon sa social media ang post ng isang estudyanteng nakapagtapos ng Senior High School sa bayan ng Atimonan, probinsya ng Quezon, kung saan ibinahagi niya ang pagsusuot niya ng kaniyang mga medalya sa kaniyang amang maglalako at isang Persons with Disability (PWD).
Ayon sa ibinahaging video sa TikTok ng uploader ng nagngangalang si “Bentalako” noong Martes, Marso 31, 2026, mapapanood ang kaka-graduate lang na estudyanteng kaharap ang kaniyang ama habang suot-suot nito ang kaniyang mga nakuhang medalya.
“Proud papa? Nuh im proud of you papa,” saad ng uploader sa caption.
Screenshot mula sa post ni “Bentalako.”
Habang sinusulat ito, umabot na sa mahigit 2.3 million views, 606.8K reactions, at 4,750 comments ang naturang post ng uploader.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa estudyanteng nasa likod ng viral video na si Rico Leguro, 17, mula sa Atimonan, Quezon, nitong Miyerkules, Abril 1, 2026, ikinuwento niyang kakatapos lang umano noon ng kaniyang graduation sa Senior High School sa Atimonan National Comprehensive High School (ANCHS) sa nasabing bayan.
Aniya, ang pangalan ng tatay niya ay si Reynante E. Leguro, isa umanong PWD ang huli. Hirap daw maglakad o pilay at hindi kagaya ng normal na mga tao ang pag-iisip ng kaniyang tatay.
“Inborn po ‘yong kaniyang disability. Hirap pong lumakad, hindi naman po hirap talaga, kumbaga po ay parang pilay. ‘Yong kaniyang pong mag-iisip is hindi po kagaya ng normal na mga tao. Kumbaga po is mahina pong maka-pickup,” pagsisimula ni Rico.
Pagbabahagi niya, sobrang natuwa raw siya noon nang isuot niya ang kaniyang mga nakuhang medalya sa kaniyang tatay dahil sulit daw ang lahat ng pinaghirapan at pagod na ginawa nito para sa kaniya.
“Sobrang natutuwa po ako kasi sobrang sulit po. ‘Yong hirap at pagod na ginugol ni Papa, saka po ‘yong tiwala, is napalitan na po, pati na rin ang kaniyang mga pinaghirapan. Nakita n’yo naman po kung gaano talaga natuwa ‘yong aking ama,” pagkukuwento niya.
Ani Rico, hindi naman daw talaga ang kaniyang tatay ang nagbibigay sa kaniya ng pang-araw-araw niyang baon ngunit lagi siyang binibigyan nito ng pera tuwing kulang ang kaniyang panggastos sa pag-aaral kahit na maliit lamang umano ang kinikita nito sa paglalako o pagve-vendor.
“Kapag po kulang ako ng baon, binibigyan niya po ako kahit po kakaunti lang ‘yong kinikita niya. Kasi po isa siyang vendor, maglalako, hindi po sa kaniya ‘yong nilalako niya… Kaya po sobrang saya po,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy niya, nakita raw niya noon ang kaniyang tatay habang paakyat siya sa stage sa kanilang graduation kaya naisipan niyang isuot ang mga makukuha niyang medalya sa kaniyang tatay pagkababa niya sa stage.
“Noong pag-akyat ko po ng hagdanan, nakita ko po si Papa. Galing po siya sa paglalako. Iba po kasi ang escort ko noon, ‘yong lola ko po. Nakita ko po si Papa, sabi ko isusuot ko sa kaniya ‘yong medal na nakuha ko. Kasi ko naman ito makukuha kung hindi dahil sa kaniya,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Umakyat po ako tapos sinuot ko po kay Papa ‘yong medal. Nakita ko pong nakayuko siya, tinitingnan niya ‘yong medal habang hawak-hawak niya. Vinideohan ko po si Papa kasi po sobrang sara sa pakiramdam na makita mo ‘yong ama mo na proud na proud siya sa iyo.”
Anang estudyante, mas nararamdaman daw niya ang pagmamalaki para sa kaniyang ama dahil sa mga pagod at sakripisyong ginawa nito para sa kaniya.
“Ang nangyari po, imbis na proud lang si Papa sa akin, ako po ‘yong mas napa-proud sa kaniya. Sobrang sulit po sa pakiramdam,” ani Rico.
Samantala, matapos mag-viral sa social media ang post ni Rico, ibinahagi niyang may ilan daw na mga taong nagpaabot ng tulong sa kanila upang makapag-celebrate siya ng kaniyang graduation kasama ang kaniyang tatay.
Giit niya, mas minabuti raw niyang ibili na lang ng bigas, pagkain, tubig, at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya ang natanggap niyang mga tulong.
Pagtitiyak ni Rico, plano niyang ituloy ang kaniyang pag-aaral sa pamamagitan ng pagkuha ng kolehiyo sa probinsya ng Laguna upang matulungan at masuklian pa ang mga sakripisyo at pagod na inilaan ng kaniyang pamilya sa kaniya.
MAKI-BALITA: 10-anyos na bata, bumida sa news reporting sa Makati!
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Kilalanin ang viral tsuper na handang magpasakay sa gipit na mga pasahero sa Zambales!