Sa kabila ng mataas na pagsipa ng presyo sa produktong petrolyo, hindi maikakaliang karamihan ng mga Pilipino na nasa laylayan ng lipunan ang higit na naapektuhan ng ganitong uri ng mga suliraning kinakaharap ng Pilipinas.
Higit sa mga umaaray sa kasalukuyang sitwasyong ito ay ang mga tsuper o iba pang mga Pilipinong nasa sektor sa sistema ng transportasyon. Silang mga driver ng jeep, tricycle, Transport Network Vehicle Service (TNVS) riders, mga komyuter at maraming pang iba.
Ngunit sa ganitong tagpo ng buhay ng maraming Pinoy, nariyang lilitaw ang mga kuwento ng pagmamalasakit at pagtutulungan ng taumbayan sa kapuwa nila mga hikahos at nahihirapan upang manatiling nagpapatuloy sa hamon ng buhay.
Kagaya ng kamakailang nag-viral na post sa social media ng Psychology student na si Renz Salonga, 19, mula sa probinsya ng Zambales kung saan makikita ang ipinaskil na mensahe ng isang tsuper ng dyip.
Sa naturang mensaheng kinunan ng litrato ni Renz mababasang nakikiusap siya sa mga pasaherong magdagdag ng kahit kaunting halaga sa ibabayad nilang pamasahe dahil umano sa mahal ng presyo ng diesel na pangunahin nilang puhunan upang makapasada.
Sa kabila nito, nagawa ring ipayo ng tsuper ng dyip sa kaniyang mga pasahero na huwag mahiyang sumakay kahit na kulang o wala silang pambayad dahil handa rin umano siyang tulungan ang mga nagigipit ngayon sa krisis.
“If ever na kulang [ang] pamasahe n’yo or wala kayong pamasahe,magsabi lang po kayo sa akin [at] isasakay ko po kayo. Maraming salamat po sa inyong pag-unawa,” anang tusper.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Estudyante, naantig sa mensahe ng tsuper sa gitna ng krisis sa produktong petrolyo
Dahil dito, nagawang matukoy at eksklusibong makapanayam ng Balita nitong Lunes, Marso 30, 2026, ang tsuper na si Carl Angelo Nidea, 31, nakatira sa Barangay Bulawen, Palauig, Zambales na siyang nagpaskil ng mensahe sa nag-viral na post.
Ani Nidea, mahigit 11 na taon na raw siyang tsuper ng jeep at mahalaga raw para sa kaniya ang trabaho ito dahil ito pangunahing pinagkukunan niya ng pera upang masustentuhan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
“11 years na akong driver ng jeep at paiba-iba lang ng rutang ibinabyahe. Mahalaga sa akin ang trabahong ito dahil ito ang bumuhay sa aking pamilya. At saka masaya ako sa trabaho ko dahil gusto kong laging nagmamaneho at nakakasalamuha ng iba’t ibang klase ng tao,” pagsisimula niya.
Pagkukuwento ni Nidea, nakakapagkarga pa raw siya noon ng diesel sa halagang ₱250 sa bawat ikot sa kaniyang ruta. Ngayon daw ay umabot na sa ₱630 ang presyo ng diesel na kailangan niyang ikarga dahil sa pagtaas ng halaga nito.
Dahil rito, halos wala na umanong kinikita si Nidea dahil napupunta na raw ang lahat sa pagpapakarga ng diesel at tila raw ninanakawan silang mga tsuper sa legal na paraan.
“Dati bago mag taas ang diesel, ang ikinakarga ko sa isang ikot ng byahe ay halagang ₱250 ngayon ay ₱630 na isang ikot. Sa maghapon ay tatlong ikot ang nagagawa ko, madalas apat. So halos lahat ng kinita sa diesel na napupunta,” aniya.
Dagdag pa niya, “Hindi lang basta lumiit, para akong ninanakawan ng legal. Tipong wala lang magawa kasi kailangan mong ikarga kung hindi baka naman tumirik ang sasakyan.”
Anang tsuper, nagagawa pa raw niya noong makabili ng pagkaing gusto ng kaniyang anak at makapag-uwi ng pasalubong. Ngunit tila raw nakakapanlumong isipin na nakakabili na lang siya ng isang kilong bigas at tatlong pirasong itlog mula sa maghapon niyang pagpasada.
“Noon nabibili ko pa mga pagkain na gusto ng anak ko, lagi pang may pasalubong ngayon, nakakapanlumo isipin na isang kilong bigas lang ang nabibili tsaka 3 pirasong itlog sa maghapon na byahe,” saad niya.
Pagbabahagi ni Nidea, nito lang din daw Lunes sila nakapag-usap ng uploader na si Renz at hindi niya raw umano inaasahang magvi-viral ang pinaskil niyang mensahe sa kaniyang jeep.
Magmula raw kasi nang ipaskil niya iyon ay marami na rin ang nagkukusang-loob na magdagdag ng pamasahe at mayroon din daw na mga pasaherong nag-aabot ng kulang na bayad sa kaniya kahit nahihiya ang mga ito.
“Actually, ngayon lang kami nakapag-usap ni Renz. Di ko rin ine-expect na mag-viral ‘yong pinaskil ko. Pero mula ng nagpaskil ako no’ng pakisuyo ko sa mga pasahero, marami ang nagkukusang-loob na magdagdag ng pamasahe nila, meron din naman nagbibigay ng kulang pero titigan na lang kami alam ko na ‘yon kasi nakakihiya ‘yon sa part ng pasahero,” ‘ika niya.
“May ilan din na nagbigay ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda katulad ng bigas at mga delatang pagkain,” pahabol pa niya.
Panawagan ni Nidea, huwag daw sanang samantalahin ng mayayaman ang kinakaharap na suliranin ngayon ng bansa.
“Hindi lang para sa mga kapwa ko tsuper kundi para din sa ating lahat, kasi lahat naman tayo apektado sa sitwasyon, pero sana naman ‘wag samantalahin ‘yong nangyayaring krisis ngayon para mas lalo pang yumaman ang mayayaman at mas maghirap pa ang mahihirap,” apela niya.
Diin niya, tila raw ang nahihirapan siyang umasa sa gobyerno dahil sila-sila lang din umanong nasa laylayan ang nagtutulungan.
“Kaya ang hirap umasa sa gobyerno kasi hindi naman kami protektado sa kanila, kaya ko din nasabi na ‘tayo tayo lang ang magtutulungan’ dahil wala kaming naaasahan sa kanila. Kung meron man, wala talaga e,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Tsuper na gipit, nakiusap ng bukal sa pusong dagdag-pamasahe kahit maliit