May 22, 2026

Home FEATURES

#BalitaExclusives: Estudyante, naantig sa mensahe ng tsuper sa gitna ng krisis sa produktong petrolyo

#BalitaExclusives: Estudyante, naantig sa mensahe ng tsuper sa gitna ng krisis sa produktong petrolyo
Photo Courtesy: Renz Salonga (FB)

Nabagbag ang damdamin ng psychology student na si Renz Salonga sa mensaheng ipinaskil ng isang tsuper sa minamaneho nitong pampasaherong dyip sa Zambales.

Sa isang Facebook post ni Renz kamakailan, makikita ang larawan ng nakunan niyang mensahe. 

Ayon dito, nakikisuyo ang tsuper ng nasakyan niyang dyip na kung maaari sana ay dagdagan nang bukal sa loob ang ibabayad na pamasahe dahil sa pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.

"[H]indi na namin kaya 'yong laki ng diesel namin at halos barya na lang naiuuwi sa kada biyahe. Sa panahon po ng krisis ngayon, walang ibang magtutulungan kundi tayo-tayo lang at ganoon din po ako sa inyo,” saad sa nakapaskil na mensahe.

Dagdag pa rito, “If ever na kulang ang pamasahe n'yo or wala kayong pamasahe, magsabi lang po kayo sa akin. Isasakay ko po kayo. Maraming salamat po sa pang-unawa.”

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Kaya naman sa eksklusibong panayam ng Balita noong Sabado, Marso 28, sinabi ni Renz na naantig umano ang puso niya matapos mabasa ang mensahe ng tsuper.

Aniya, “Noong mabasa ko po ang buong mensahe, talagang naantig ang puso ko. Sa simpleng paraan, naipakita ng tsuper ang kabutihan at malasakit niya sa kapwa, lalo na sa panahon ngayon na marami ang nahihirapan.”

“Doon po talaga ako napaisip at na-touch. Sa kabila ng hirap na pinagdadaanan nila, nagagawa pa rin niyang unahin ang kapakanan ng iba. Napaka-inspiring po nito at bihira na po natin itong makita ngayo,” dugtong pa ni Renz.

Ayon sa kaniya, bilang komyuter, mahalaga umanong makakita ng ganitong klaseng kabutihan sa kabila ng hirap na kinakaharap ng marami upang magsilbing inspirasyon sa iba.

“Ipinapakita nito na kahit may kaniya-kaniya tayong pinagdadaanan, may kakayahan pa rin tayong tumulong sa isa’t isa. Nakaka-inspire po ito sa mga pasahero na maging mas maunawain at mabuti rin sa kapuwa,” saad niya.

Iginiit din ni Renz na bilang psychology student, naniniwala siyang malaki umano ang epekto ng kasalukuyang krisis sa mental health ng mga PIlipino. 

“Kaya mahalaga po ang empathy, understanding, at bayanihan. Sa ganitong panahon, mas kailangan po nating magtulungan at magdamayan kaysa magturuan ng sisi,” aniya.

Sa huli, nag-iwan si Renz ng mensahe sa mga kapuwa Pilipino at sa gobyerno. Ayon sa kaniya, patuloy maging mabuti at maunawain.

Dagdag pa niya, “Sa gobyerno naman po, sana ay mas mabigyan ng pansin at sapat na suporta ang mga tsuper at ang mga sektor na lubos na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.”

Samantala, hindi pa rin natutukoy ni Renz hanggang ngayon ang pangalan ng butihing tsuper. Ito ay kahit umabot na sa libo-libong reactions at shares ang kaniyang post.