Nagpaabot ng mensahe sa paggunita at pagninilay sa Huwebes Santo si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, Abril 2.
Sa kaniyang Facebook post, hinimok niya ang mga Pilipino na balikan ang kahalagahan ng paglilingkod at pagmamahal sa kapwa, kasabay ng pag-alala sa tradisyon ng paghuhugas ng paa na isinagawa ni Hesukristo sa Kanyang mga alagad.
Sa kaniyang mensahe na pinamagatang “Ang Aral ng Paglilingkod at Pagmamahal,” sinabi ni Romualdez, "Isang paalala na ang pinakamataas na uri ng pag-ibig ay matatagpuan sa pagpapakumbaba at paglilingkod sa kapwa."
"Gaya ng ginawa ng Panginoon sa Kanyang mga alagad, nawa’y matutunan din nating ialay ang ating mga sarili para sa kabutihan ng iba.”
Binigyang-diin ng mambabatas na ang ganitong halimbawa ng kababaang-loob ay dapat maisabuhay ng bawat isa, lalo na sa panahon ng Semana Santa kung kailan mas pinahahalagahan ang sakripisyo at malasakit sa kapwa.
Dagdag pa niya, mahalaga ring pagnilayan ng mga mananampalataya ang kahulugan ng Huling Hapunan bilang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano.
“Pagpalain nawa ang inyong pagninilay sa huling hapunan ng Panginoon,” saad pa niya.
Matatandaang kasama ang pangalan ni Romualdez sa mga nababanggit na personalidad na sangkot sa umano'y maanomalyang flood control projects, subalit "abswelto" ang kaniyang pangalan dahil wala raw direktang ebidensyang nagsasangkot sa kaniya sa nabanggit na scam.
Maki-Balita: Romualdez, abswelto sa flood control scam ayon sa ICI—Rep. Acidre
Direkta rin siyang "nilaglag" ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co na umano'y nakatanggap ng male-maletang kickback mula sa national budget insertion, kasama ang pinsang si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Maki-Balita: Zaldy Co, kinantang si Ex-HS Martin Romualdez nag-utos na 'wag siyang umuwi