Naglabas ng opisyal na pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa napagkasunduan nina Sec. Ma. Theresa Lazaro at Iranian Foreign Minister na si Seyed Abbas Araghchi, na may kinalaman sa ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz upang makabili ng produktong petrolyo.
Ang Strait of Hormuz ay matatagpuan sa pagitan ng Oman at Iran, at kinokonekta nito ang Persian Gulf, Gulf of Oman, at ang Arabian Sea.
Ang anyong tubig na ito ay isa sa mga itinuturing na pinakamahalagang oil chokepoints sa buong mundo.
Maki-Balita: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?
Batay sa opisyal na pahayag, tiniyak ng Iran ang ligtas na pagdaan ng mga barkong may watawat ng Pilipinas, suplay ng enerhiya, at mga Pilipinong seafarer sa Strait of Hormuz.
Nagkaroon umano ng “very productive phone conversation” ang dalawang opisyal kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng bilateral cooperation sa iba’t ibang larangan.
Sa naturang pag-uusap, tiniyak umano ng Iranian Foreign Minister na papayagan ng Iran ang ligtas, walang sagabal, at mabilis na pagdaan ng mga sasakyang-dagat ng Pilipinas, pati na ang mga suplay ng enerhiya at mga Pilipinong marino, sa mahalagang rutang pandagat ng Strait of Hormuz.
Binigyang-diin ni Lazaro na mahalaga ang naturang development para sa Pilipinas, lalo na sa seguridad ng mga Pilipinong seafarer na nag-ooperate sa rehiyon, gayundin sa pagpapatatag ng suplay ng enerhiya ng bansa.
Dagdag pa ng DFA, dahil umaasa ang Pilipinas sa pag-angkat ng malaking bahagi ng enerhiya mula sa Middle East, makatutulong ang garantiya ng Iran upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kritikal na langis at pataba sa bansa.
Nagtapos ang pag-uusap sa muling pagtitibay ng dalawang panig ng kanilang pangako na panatilihin ang maayos na ugnayan at isulong ang pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng patuloy na diyalogo at diplomasya.
Mababasa sa kabuuang opisyal na pahayag, "Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro had a very productive phone conversation today with the Iranian Foreign Minister, His Excellency Seyed Abbas Araghchi, to discuss stronger bilateral cooperation on all fronts."
"During the call, the Iranian Foreign Minister assured the Secretary that Iran will allow the safe, unhindered, and expeditious passage through the Strait of Hormuz of Philippine-flagged vessels, energy sources, and all Filipino seafarers."
"Secretary Lazaro noted that this positive development is vital for the Philippines, as it will not only ensure the safety of Filipino seafarers operating in the area but will also help ensure energy security for the country."
"Given that the Philippines imports the majority of its energy requirements from the Middle East, these assurances from Iran will greatly facilitate the steady delivery of critical oil and fertilizer supplies to the Philippines."
"The call concluded with both sides reaffirming their commitment to maintaining excellent relations and achieving lasting peace through continued dialogue and diplomacy," saad pa.
Hiniling ng Pilipinas sa Iran na ituring ito bilang isang “di-kaaway” na bansa sa Strait of Hormuz habang nahihirapan ang pamahalaan na matugunan ang pangangailangan nito sa langis dahil sa bahagyang pagsasara ng naturang daluyan ng tubig.
Nakipagpulong si Lazaro noong Miyerkules, Abril 1, sa Iranian Ambassador sa Maynila na si Yousef Esmaeilzadeh upang iparating ang kahilingan ng Maynila alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Matatandaang direktang apektado ang presyo ng langis sa bansa bunsod ng gusot sa Middle East.