May 05, 2026

Home FEATURES

KILALANIN: Sino ang kawal na si Longinus?

KILALANIN: Sino ang kawal na si Longinus?

Sa ibang lupalop ng bansa, ipinagdiriwang ang kapistahan ni Longinus kapag sasapit ang Oktubre at Marso. Ngunit sa Pilipinas, partikular sa lalawigan ng Marinduque, ipinagdiriwang ito tuwing Mahal na Araw na mas kilala bilang Moriones Festival.

Hango ang pangalan ng kapistahan sa salitang Espanyol na “morion.” Ibig sabihin, helmet o visor.

Sa pagdiriwang na ito—na nagsisimula pagpatak ng Linggo ng Palaspas at magwawakas naman sa Linggo ng Pagkabuhay—gaganap na Romanong kawal ang mga lalaki at maglilibot sa mga kalsada upang tugisin si Longinus. 

Ngunit sino nga ba si Longinus? Ano nga ba ang papel niya sa pananampalatayang Katoliko? 

Ayon sa website ng FaithND, spiritual outreach program ng University of Notre Dame Alumni Association,si Longinus ay isang Romanong kawal na partially blind.

Human-Interest

'Sana kami rin!' High school sweethearts na umabot sa kasalan, kinakiligan ng netizens

Nakatayo umano siya noon at nagbabantay sa paanan ng krus kung saan ipinako si Hesus. Siya rin umano ang sumibat sa tagiliran ng Anak ng Diyos bago tuluyang malagutan ng hininga.

Kung tutuusin, hindi naman talaga matatagpuan ang pangalang Longinus sa Banal na Aklat. Ngunit may mga sipi sa Bagong Tipan na tila nagpapatunay sa pag-iral ng Romanong kawal. 

Halimbawa, sa Mateo 27:54, mababasang “Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, ‘Tunay na siya'y Anak ng Diyos!’”

Gayundin halos ang matatagpuan sa Marcos 15:39, “Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, ‘Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!’”

Tila mas detalyado namang nailahad sa Juan 19:34-36 ang bersyon ng kuwento tungkol sa Romanong kawal kumpara sa dalawang naunang ebanghelyo. 

“Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad lumabas doon ang dugo at tubig,” sabi sa ebanghelyo ni Juan.

Dagdag pa rito, “Ang nakakita nito ang nagpatotoo upang kayo rin ay maniwala. Totoo ang kaniyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, ‘Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.’”

Pinaniniwalaang halaw sa salitang Latin na “longus” ang pangalan ng Romanong kawal na nangangahulugang “mahaba” at na-Latinize mula sa Griyegong “lonche” na ang ibig sabihin ay “lance” o “sibat.”

Ayon sa mga naglipanang kuwento, gumaling mula sa pagkabulag si Longinus. Ito ay matapos matalsikan ang mata niya ng dugo at tubig na lumabas mula sa sinibat niyang tagiliran ni Hesus.

Kaya mula noon, nilisan umano ni Longinus ang kinabibilangan niyang hukbo at namuhay bilang isang monghe. 

Hanggang sa ipapatay siya ni Pilato dahil sa pananampalataya niya kay Hesus bilang Anak ng Diyos.

Dahil dito, itinuring siyang santong patron ng mga sundalo at ng mga may kondisyon sa paningin.