May 18, 2026

Home BALITA National

Leviste, sinabing walang matutukoy na mastermind ng korapsyon sa DPWH ang ICI final report

Leviste, sinabing walang matutukoy na mastermind ng korapsyon sa DPWH ang ICI final report
Photo courtesy: Leandro Legarda Leviste (FB)

Sinabi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na hindi mailabas ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa publiko ang resulta ng final report ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects, dahil aniya sa pangambang maaari silang balikan kung matutukoy kung sino ang may pananagutan sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagtungo sa tanggapan ng ICI si Leviste dahil sa huling araw nito, at nais aniyang makakuha ng kopya ng final report ng ICI.

Sa kaniyang Facebook post nito ring Martes, sinabi ni Leviste na naipasa na ng ICI ang kanilang final report kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., at nasa pagpapasya na umano ng Pangulo kung ito ay ilalabas sa publiko.

Gayunman, kinumpirma niyang hindi na ito opisyal na ilalabas ng ICI sa huling araw ng operasyon nito.

Nagpasalamat din ang kongresista kay ICI Chairman Andy Reyes at sa iba pang miyembro ng komisyon, na aniya’y nagbahagi ng kanilang saloobin bago tuluyang magtapos ang kanilang mandato.

National

Sen. Zubiri kung bakit pinili ang minority bloc: 'Natauhan ako!'

Ayon kay Leviste, hiniling ng ilang opisyal ng ICI na huwag silang direktang sipiin sa media at piniling umiwas na rin sa mga panayam.

Ipinaliwanag din niya ang mga dahilan kung bakit hindi nailabas ng ICI ang Final Report, kabilang na ang pangamba ng mga miyembro na maaari silang balikan sakaling matukoy ang mga responsable sa umano’y katiwalian sa Department of Public Works and Highways.

Aniya, kulang sa kapangyarihan at proteksyon ang komisyon, tulad ng kawalan ng contempt powers, immunity, at sapat na pondo habang isinasagawa ang imbestigasyon.

"Hindi nailabas ng ICI ang Final Report dahil sa pangambang maaari silang balikan kung matutukoy kung sino ang may pananagutan sa korapsyon sa DPWH. Hindi sila binigyan ng contempt powers o immunity. Hindi sila binigyan ng budget habang isinasagawa ang mga imbestigasyon. At hindi rin ipinasa ng Kongreso ang batas na magtatatag sana ng isang Independent People’s Commission upang maipagpatuloy ang kanilang trabaho, kaya mawawalan na ng trabaho ang mga empleyado ng ICI bukas," pahayag ni Leviste.

"Dahil sa mga kakulangang ito, walang matutukoy na mastermind ng korapsyon sa DPWH ang Final Report ng ICI. Pero mahalaga pa ring ilabas ito, kasama ang transcript ng lahat ng ICI hearings," aniya pa.

Bukod dito, binanggit ni Leviste na hindi rin naipasa ng Kongreso ang panukalang batas na magtatatag sana ng isang Independent People’s Commission, na magpapatuloy sa trabaho ng ICI. Dahil dito, mawawalan na umano ng trabaho ang mga empleyado ng komisyon kasunod ng pagtatapos nito.

Sa kabila ng mga limitasyon, iginiit ng mambabatas na mahalagang maisapubliko ang nilalaman ng final report, kasama ang kabuuang transcript ng mga pagdinig, upang mabigyang-linaw ang mga alegasyon ng overpricing, ghost projects, at kickbacks sa mga flood control projects.

Samantala, ibinahagi rin ni Leviste ang pahayag ng mga empleyado ng ICI, na naglabas ng pagkabahala sa tahimik na pagtatapos ng komisyon.

Ayon sa kanila, sa ulat ng isang news outlet, ang kawalan umano ng malinaw na direktiba at transparency sa pagsasara nito ay nagdudulot ng pangamba sa pagpapatuloy ng mga imbestigasyon sa korapsyon.

Dagdag pa ng mga empleyado, ang pagtatapos ng ICI nang walang sapat na proseso ay maaari umanong magpahinto sa mga pagsisikap na papanagutin ang mga sangkot sa iregularidad sa mga proyektong pang-imprastruktura, partikular yaong may direktang epekto sa kaligtasan ng milyon-milyong Pilipino.

Sa huli, iginiit ni Leviste na ang isyu ng flood control at korapsyon sa imprastruktura ay hindi dapat mapatahimik, at nararapat lamang na mailantad ang buong katotohanan para sa kapakanan ng publiko.

Maki-Balita: 'Naibigay na ng ICI kay PBBM ang final report, nasa kaniya kung ilalabas sa publiko!'—Rep. Leviste