Magpapaloko ka ba o ikaw ang lolokohin?
Ang Abril 1 ang araw na lumalabas ang kulit at pagkamalikhain ng marami upang gawan ng iba’t ibang klase ng pranks at jokes ang mga kalapit na kaibigan at kapamilya.
Sa kakaibang humor ng mga Pinoy, patok ang April Fools’ Day upang patawanin ang isa’t isa sa pamamagitan ng memes, jumpscares, “harmless” na mga pekeng anunsyo, o kaya’y mga kapani-paniwalang kuwentong barbero.
Gayunpaman, may mga pagkakataong hindi na nakatutuwa para sa ilan ang April Fools’ Day jokes at pranks na ginawa sa kanila, bagkus, nakasakit pa ito o kaya’y nagdulot ng pagkabagabag o takot.
Dahil dito, narito ang mga bagay o paksa na hindi ipinapayong gawing biro sa April Fools’ Day:
Anumang sekswal na biro o prank
Ang pagbibiro tungkol sa mga paksang sekswal ay itinuturing na kabastusan para sa marami dahil ipinagsasawalang-bahala nito ang mga pinagdadanaan ng mga indibidwal na nabiktima na ng pang-aabuso at pangha-harass.
Bukod pa rito, ayon sa pag-aaral ng Harvard University, ang sexist na mga biro ay bumubuo ng ideyang katanggap-tanggap ang karahasan at pangbabastos sa ibang tao.
Breakups o cheating prank
Habang uso ang pranks tuwing April Fools’ Day, ang pagluruan ang feelings ng ibang tao, kahit ng partner ay nakasasakit at posible pang mauwi sa totohanang paghihiwalay.
Fake marriage proposal
Isa pa sa pranks na posibleng magdulot ng pangmatagalang hinanakit ay ang “fake marriage proposal” prank dahil bukod sa napaglalaruan nito ang feelings ng partner, ang pag-aalok ng kasal ay isang seryosong usapin na kinakailangang pag-isipan ng matagal.
Fake pregnancy announcement
Ang birong ito ay sensitibo partikular sa mga nakaranas o dumadaan sa pagkawala ng anak.
Kaya para gawing biro ito, maituturing itong kawalan ng konsiderasyon sa iba, partikular sa kababaihang nais magkaroon ng sarili nilang anak.
Banta sa kaligtasan
Ang prank na ito ay kadalasang nagdudulot ng public panic na posibleng mauwi sa takot, pangamba, at pagkakasakitan kung nasa pampublikong espasyo.
Ilan sa saklaw ng prank o birong ito ay anunsyo ng bomb threat, lindol, tsunami, at iba pang mga sakuna.
Fake orders
Ang prank na ito ay lubos na nakaaabala para sa mga naghahanap-buhay na online sellers at delivery riders.
Bukod pa rito, dahil hindi lahat ng nagtitinda online o nagdi-deliver ay kumikita ng malaki, posibleng magdulot ang anumang prank sa kanila ng karagdagang gastos at pagkain ng oras, na dapat ay nilaan na lamang nila sa kanilang totoong customers.
Malubhang kalusugan o kondisyon
Panghuli, ang pagbibiro tungkol sa anumang kondisyon o sakit ay nagbibigay ng perspektibong pagmamaliit rito at pagsasawalang-bahala sa taong nakararamdam o nagdaraan dito.
Kamatayan
Ang pranks o biro tungkol sa pagkamatay ng isang tao o maging ang pamemeke ng sariling kamatayan ay nagdudulot ng pagkatakot, pag-aalala, at panic.
Isa pa sa dapat alalahanin sa birong ito, ang fake news ay mabilis kumalat, lalo na sa panahon ng social media, kaya may malaking tyansa na kahit tapos na ang April Fools’ Day at sinubukan ng bawiin ng prankster ang biro, posibleng napalaganap na ito sa iba.
Kaya mahalagang tandaan na habang hindi masama ang magsaya sa April Fools’ Day, importante pa ring ikonsidera ang pakiramdam at sitwasyon ng ibang tao.
Tandaan din na kung ang biro ay magdudulot ng pangmatagalang epekto sa iba, mainam na magdalawang-isip bago ito gawin.