Nagtungo si Sen. Robin Padilla at ang ilan pang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema nitong Lunes ng hapon, Marso 30, upang humiling sa mas mabilis na pagproseso at pagbibigay-solusyon sa mga petisyong naiuugnay sa mga kaso ng dating presidente.
“Bring Him Home!” panimula ni Sen. Robin.
Aniya, “Nandito po kami muli para dalhin po namin sa ating kataas-taasang hukuman ang mga nakalap po naming pirma, mga kababayan po natin na humihiling na sana po ay desisyunan na ng ating mga hukom ‘yong amin pong hiling na patungkol po sa ating dating Pangulo na Rodrigo Roa Duterte.”
“May dala po kaming 304,000 na mga pirma,” ani Sen. Robin.
Ayon naman sa tagapagsalita ng mga tagasuporta ni FPRRD na si Joey Cruz, nakakalap sila ng mahigit 300,000 lagda mula sa supporters ni FPRRD, sa loob lamang ng apat na buwan.
“Total signatures po na nakalap namin, after four months is 304,304 signatures,” aniya.
“All verifiable 304,000 strong support to encourage the Supreme Court (SC) to decide on the habeas corpus cases filed by the Duterte siblings,” dagdag pa niya.
Base pa sa kaniyang kumpirmasyon, inaasahan nilang madagdagan pa ang mga pirma at sinigurong magsasagawa ng susunod na “submission”—ngunit aniya, wala pa itong tiyak na petsa.
Giit pa ng tagapagsalita, nalikom daw nila ang mga pirma nang walang kapalit, walang ayuda, at ang lahat ng lumagda ay umaasa na kikilos na umano ang Korte Suprema para ipaglaban ang soberenya ng bansa.
Sa parehong kaganapan, binuhat pa ni Sen. Robin ang isang maleta kung saan nakapaloob ang umano’y mga pirma ng mga tagasuporta ng dating Pangulo.
“Ito po ‘yong maleta…mabigat talaga! Hindi po pera ‘to, ha!” anang mambabatas.
KAUGNAY NA BALITA: 'Tay, kami naman!' VP Sara nakiisa, pumirma sa petisyong pauwiin sa bansa si FPRRD-Balita
Photo courtesy: via SMNI Integrated News/FB