Mainit na usapin ngayon ang pagtaas ng presyo ng iba’t ibang produktong petrolyo, bunsod ng patuloy na tensyon sa Middle East, partikular sa girian ng mga bansang Amerika, Israel, at Iran.
Maliban pa rito, kabi-kabila na rin ang diskusyon hinggil naman sa nakaambang kakulangan at epekto nito sa iba’t ibang enerhiya, kabilang na ang kuryente.
Nito lamang Linggo, Marso 29, inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na umabot sa 145.43 megawatts (MW) ng kuryente ang natipid sa buong bansa, matapos ang partisipasyon ng Pilipinas sa ginanap na Earth Hour 2026 noong Sabado, Marso 28, 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
MAKI-BALITA: Higit 145 MW ng kuryente, natipid sa Earth Hour 2026—DOE-Balita
Ngunit base sa paniniwala ng karamihan, may isang paraan din daw kung paano mapapababa ang konsumo ng kuryente—at ito ay ang paggamit ng “inverter.”
Ano nga ba muna ang inverter?
Ang inverter ay isang device na nagko-convert ng direct current (DC) bilang isang alternative current (AC), na siyang madalas na matatagpuan sa ilang “household appliances.”
Paano nababawasan ang konsumo ng kuryente sa paggamit lamang ng isang inverter?
Sa isang panayam ng ABS-CBN kay Meralco Consumer Lab Engr. Cholo Pabilona noong Biyernes, Pebrero 20, 2026, ibinunyag niyang bumababa ang speed ng isang compressor ng appliance sa tulong ng inverter, kung kaya’t bumababa ang konsumo nito ng kuryente.
“Hindi niya totally papatayin ‘yong compressor…kung hindi ang gagawin niya [ay] bababaan niya ang speed ng compressors natin—down to 20% to 50% ng kaniyang capacity. ‘Yon ‘yong nagdudulot ng mas mababang average power consumption," saad ni Pabilona.
Sa parehong ulat, isiniwalat niya na ang isang inverter-type air conditioner na may 1 horsepower ay nakakakonsumo ng ₱3.91 kada oras. Samantala, sa non-inverter type, aabot ang konsumo sa ₱6.17 kada oras—katumbas ay 37% na tipid sa kuryente.
Sa isa namang 7 cu ft. na refrigerator, aabot ang konsumo ng inverter-type sa ₱9.33 kada oras, habang ₱23.60 naman kada oras sa non-inverter type, na aabot sa 60% ang tipid.
Sa electric fan naman na may sukat na 16 inches, ₱0.36 lamang ang gastos kung inverter-type, samantalang ₱0.89 naman ang hindi inverter-type. Sumatotal, aabot ang tipid sa halos 60%.
Ibinahagi naman ng “Daikin,” isang air conditioning brand, ang isang representasyon kung paano nakababawas sa pagkonsumo ng enerhiya ang isang inverter-type air conditioner kontra sa non-inverter air conditioner.
Photo courtesy: Daikin/website
Dahil dito, hinimok ng DOE ang publiko na gumamit ng “inverter technology” bilang bahagi ng konserbasyon ng enerhiya, partikular na sa kuryente.
Isinulong ng energy department ang “labelling” sa mga appliance stores, upang matulungan ang mga konsyumer sa pagbili ng mga naturang kagamitan.
“Kung makikita mong mas madami ‘yong star, o mas mataas ‘yong numero sa ating mga ref at aircon, ‘yong mga inverter na… The more the stars, the more efficient it is,” saad ni Atty. Patrick Aquino ng DOE sa parehong panayam.
Giit pa niya, “Naglabas na nga ang DOE sa ilalim ng ating government energy management program na kapag ang gobyerno ang bumibili, dapat inverter na rin, LED na ‘yong bumbilya—dahil ‘yon nga ang mas matipid.”