May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

'This attack will not go unanswered!' PNP, 'di papasindak sa ambush sa ilang pulis sa Maguindanao del Sur!

'This attack will not go unanswered!' PNP, 'di papasindak sa ambush sa ilang pulis sa Maguindanao del Sur!
Photo courtesy: Contribute photo

Patay ang limang pulis habang tatlo pa ang sugatan matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang armadong grupo sa Maguindanao del Sur noong Sabado ng gabi, Marso 28, 2026.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang mga biktima ay pawang miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company na pauwi na sana sa kanilang detachment matapos magsagawa ng patrol at police visibility operations nang sila ay pagbabarilin.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente at patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad.

Tinawag ng pulisya ang pag-atake bilang isang “senseless and cowardly” act at direktang pag-atake sa mga alagad ng batas.

Isinugod naman sa malalapit na pagamutan ang mga sugatang pulis at kasalukuyang ginagamot.

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., inilunsad na ang pinaigting na hot pursuit operations katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matukoy at maaresto ang mga salarin.

“This heinous act is a direct threat to peace and order,” ani Nartatez, kasabay ng pagtiyak na ginagawa ng PNP ang “all necessary measures” upang makamit ang hustisya para sa mga biktima.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang PNP sa mga pamilya ng mga nasawing pulis at kinilala ang kanilang katapangan at dedikasyon sa serbisyo.

“An attack on any police officer, especially while in the performance of duty, is an attack on the PNP as a whole. The entire police organization will run after those involved. That is our commitment,” saad niya.

Dagdag pa niya, “We will not waver. This attack will not go unanswered. Justice will be swift, certain, and uncompromising.”

Siniguro din niyang makakamit ang hustisya sa kung sinomang aatake sa kanilang hanay.

“If there is a need to deploy more policemen, especially from our elite units, so be it. Our focus is to get all the perpetrators in the interest of justice and peace and order,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin habang nagpapatuloy ang operasyon at pinaigting ang seguridad sa Shariff Aguak at mga karatig lugar.

Nagpasalamat din si Nartatez kay Abdulraof Macacua ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)  sa pagtulong sa imbestigasyon at sa pagsiguro na mapapanagot ang mga responsable.

Inatasan na rin ng PNP chief ang Police Regional Office–BAR na makipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga biktima upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang suporta.