Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na tila naging imahe na ng Semana Santa o Mahal na Araw ang paggamit ng palaspas.
Bago kasi sumapit ang Holy Week, gugunitain muna ang “Palm Sunday,” o Linggo ng Palaspas, tanda ng pagsisimula ng Semana Santa.
Ano nga ba ang kaganapan sa likod ng paggunita ng Linggo ng Palaspas?
Ginugunita ang Linggo ng Palaspas bilang pagkilala sa katagumpayang nakamit ni Hesukristo matapos makapasok sa Herusalem sakay ng isang asno.
Tanda rin ang araw na ito na papalapit na ang nakatakdang paghihirap ni Hesukristo sa Krus ng Kalbaryo, upang iligtas ang buong sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan.
Gayong papalapit na ang Linggo ng Palaspas, abala na rin ang iilan sa paghahanda ng kani-kanilang mga materyales upang lumikha at magbenta ng palaspas.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Maylena Corales, 26-anyos mula sa Lipa City, Batangas, ilang linggo bago dumating ang “Palm Sunday” ay inihahanda na nila ang mga kagamitan sa paggawa ng palaspas.
“Ginagawa [namin] ang palaspas dalawa o tatlong araw bago sumapit ang palaspasan o Palm Sunday, pero mga ilang linggo makaraan ang paghahanda sa mga nilalagay na palamuti o ribbon dito,” saad ni Corales.
Aniya, halos apat na taon na raw silang lumilikha ng palaspas upang ipagbili sa mga debotong Katoliko, na aniya, marami pa rin daw sa panahon ngayon.
“Maraming mga Pilipino o mga Katoliko ang nakikilahok sa tradisyon ng Palaspas at hindi nakakalimot sa Panginoon,” aniya.
Ibinahagi rin niya kung ano nga ba ang simbolo at kahalagahan ng palaspas tuwing sasapit ang Semana Santa.
“Sumisimbolo ang palaspas sa darating na Mahal na Araw o Holy Week. Ang palaspas ay tradisyunal na ginagawa mula sa dahon ng niyog para sa Linggo ng Palaspas. Simbolo ito ng pagpupugay at pagiging simple, gaya ng pagpasok ni Hesus sa Jerusalem,” ani Corales.
Ngunit paano nga ba nililikha ang isang palaspas?
Ayon kay Corales, simple lamang daw ngunit matrabaho ang paggawa ng palaspas.
“Ang paggawa ng palaspas mula sa puno ng niyog ay simple pero matrabaho. Una, tadtadin mula sa pinakapuno hanggang sa pinakapalapa ng niyog para maging palaspas. Pangalawa, idisenyo ng pasalapid o patupi-tupi ang mga higla ng dahon nito. Panghuli, lagyan ng ribbon at santo (sticker) para maging palamuti sa ating palaspas,” pagbabahagi ni Corales.
Inisa-isa rin niya ang ilang mga materyales na dapat ihanda upang makalikha ng palaspas.
“Simple lang ang mga kagamitan sa pagsasagawa ng palaspas: ribbon, cutter, gunting, stapler, at gulok para sa pagtatadtad ng pinakapalapa nito para gawing palaspas,” aniya.
Hindi maitatangging parte na ng tradisyon ng mga Pilipino ang palaspas tuwing sasapit ang Semana Santa.
Hindi lamang ito simpleng dahon o palamuti, ngunit isa itong tanda ng isang malawak na tradisyon, kultura, at paniniwala.