May 16, 2026

Home BALITA National

PBBM, umapela sa PNPA graduates: 'Zero tolerance laban sa korapsyon at pang-aabuso!'

PBBM, umapela sa PNPA graduates: 'Zero tolerance laban sa korapsyon at pang-aabuso!'
Photo courtesy: PCO (FB)

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang kahalagahan ng integridad, disiplina, at malinaw na pananagutan para mapalakas ang tiwala ng publiko sa kapulisan, sa kaniyang talumpati sa ika-47 Commencement Exercises ng Philippine National Police Academy (PNPA) na ginanap noong Biyernes, Marso 27 sa Silang, Cavite, para sa “Silang Paglaom” Class of 2026.

Batay sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), aabot sa 326 kadete ang nagsipagtapos at opisyal nang haharap sa tungkulin bilang mga bagong Police Lieutenants na inaasahang magsisilbing tagapagtaguyod ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Sa kaniyang keynote address, hinamon ng Pangulo ang mga bagong graduate na panatilihin ang "zero tolerance laban sa korapsyon at paglabag sa karapatang pantao," kasabay ng paalala na bagama't tumataas ang tiwala ng publiko sa kapulisan, nananatili itong marupok at dapat pang patatagin.

“While the nation’s trust in the police force has climbed in these last years, there is still room for improvement. Alam kong marami pa rin sa ating mga mamamayan ay may alinlangan sa kapulisan," saad ni PBBM.

"Our security is weakened when the hands sworn to protect are tainted. Kaya dapat baguhin natin ito," aniya pa.

National

Sali na! 76th Carlos Palanca awards, tumatanggap na ng entries

Iniutos din ni PBBM sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapatibay ng presensya sa mga komunidad sa pamamagitan ng mas disiplinado at nakikitang police visibility, gayundin ang pagpapalakas ng internal accountability mechanisms.

Kasabay nito, inatasan din ang PNP at ang Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang National Police Commission (NAPOLCOM), na magsagawa ng mabilis at obhetibong imbestigasyon laban sa mga pulis na lumalabag sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Ayon sa Pangulo, libo-libong imbestigasyon na ang naisagawa sa hanay ng kapulisan, na nagresulta sa mga kasong administratibo at disiplina laban sa mga lumabag.

Aniya, ang transparency sa mga prosesong ito, kasama ang mas pinalakas na police visibility, ay makatutulong upang maibalik at mapanatili ang tiwala ng publiko.

Bukod dito, binigyang-pansin din ng Pangulo ang kahalagahan ng moral at espiritwal na paghubog sa hanay ng kapulisan. Binanggit niya ang isinasagawang mga “moral recovery sessions” sa buong bansa upang patatagin ang etikal na pamantayan ng mga opisyal.

Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, hinimok ni PBBM ang mga bagong graduate ng PNPA na maging huwaran ng tapat na serbisyo at magsilbing liwanag ng pag-asa para sa sambayanang Pilipino tungo sa isang ligtas at matatag na Bagong Pilipinas.