May 22, 2026

Home BALITA National

Mga ahensya ng pamahalaan, nanawagan sa mga Pinoy na makiisa sa Earth Hour

Mga ahensya ng pamahalaan, nanawagan sa mga Pinoy na makiisa sa Earth Hour
Photo courtesy: Unsplash

Nananawagan ang mga ahensya ng pamahalaan sa bawat Pilipino na makiisa sa gaganaping “Earth Hour” mamayang 8:30 PM, Sabado, Marso 28. 

Ang panawagan ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan binanggit niyang napapanahon ang pakikiisa rito dahil sa kinahaharap na mga pagtataas ng produktong-petrolyo at krisis ng buong mundo sa enerhiya. 

“This year's event provides a timely and relevant opportunity for us to reflect, not only on the issue of climate change and environmental preservation, but also on the need to conserve energy and to limit fuel consumption amid the current global crisis,” saad ni PBBM.

Aniya pa, ang Earth Hour ay nagsisilbi ring paalala na ang bawat paggamit ng enerhiya ay may epekto sa kalikasan at lagay hindi lamang ng bansa, kung hindi pati na rin ng buong mundo.

Kaya hinihikayat ng Pangulo ang bawat Pinoy na makiisa sa Earth Hour, na taunang pagpapatay ng ilaw at ilan pang kuryente sa loob ng isang oras. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“This simple act of turning off our lights for one hour goes a long way. So, I invite all Filipinos to participate in this cause and be inspired by the theme, ‘Switch on Habits For Earth,” panawagan ni PBBM. 

“May the true meaning of Earth Hour be part of our lives starting tonight. Let it guide our habits and form our actions and inspire cooperation among our communities towards [a] responsible and sustainable energy use,” dagdag pa ng Pangulo. 

Department of Environment and Natural Resources (DENR) 

Binanggit naman ng DENR na sa pakikiisa sa Earth Hour, makatutulong ito upang ibsan ang pressure sa paggamit ng enerhiya at kalikasan.

“Hindi ito kaya ng pamahalaan lamang. Sa Earth Hour na ito, hinihiling namin sa bawat Pilipino ang simpleng hakbang, patayin ang ilaw at tanggalin sa saksakan ang appliances na hindi ginagamit. Isang oras lamang, ngunit kapag sama-sama, ibig sabihin nito, mas kaunti ang pagkonsumo ng enerhiya, mas kaunting pasanin sa kalikasan, at isang hakbang sa pagprotekta ng ating kalikasan,” saad ni DENR Sec. Juan Miguel T. Cuna. 

Binanggit din ng kalihim na sa kabila ng mga kinahaharap na problema sa kalikasan tulad ng pagtaas ng temperatura sa klima, matinding pagbabaha, at patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente, nagpapatuloy silang kumikilos upang protektahan ang mga komunidad at matiyak ang kaligtasan ng bawat pamilya. 

Philippine Red Cross (PRC)

Ayon naman sa PRC, sa nararamdamang pagtaas ng klima, at negatibong epekto nito sa power grid ng bansa, hinihikayat nila ang bawat pamilyang Pinoy na makiisa sa Earth Hour bilang parte ng akto ng pagiging makabayan. 

Sa temang “Switch on Habits for the Earth,” World Wide Fund for Nature (WWF), layon ng Earth Hour ngayong taon na maging susi sa pagbabago upang mapangalagaan ang mundo, sa pamamagitan man ito ng pagpapatay ng ilaw, pagbabawas ng kalat, o pag-aalaga ng mga halaman, hindi lamang taon-taon, ngunit, sa araw-araw na buhay. 

Dahil anila, ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa consistency o regularidad at intensiyonal na pagkilos.