May 22, 2026

Home BALITA

'Walang foul play!' 15-anyos na natagpuang patay sa Pasig, posible umanong nagpatiwakal?

 'Walang foul play!' 15-anyos na natagpuang patay sa Pasig, posible umanong nagpatiwakal?

Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Marso 26, 2026 na walang nakitang foul play sa pagkamatay ng 15-anyos na si Isabelle Sophia Tablate, na natagpuang bangkay sa loob ng isang pabrika sa Pasig City.

Ayon sa pulisya, ito ang naging resulta ng isinagawang forensic at backtrack investigation ng Pasig City Police matapos maiulat na nawawala ang dalagita sa loob ng limang araw.

Lumalabas sa imbestigasyon na posible umanong nagpakamatay ang biktima. Natunton ng mga awtoridad ang galaw ni Tablate bago siya nawala at nakumpirmang siya mismo ang bumili ng puting nylon rope sa isang hardware store sa Marikina City, na kalauna’y narekober sa pinangyarihan ng insidente.

Sinabi ng pulisya na walang indikasyon ng pakikipagbuno o partisipasyon ng ibang tao sa lugar kung saan natagpuan ang biktima, at ito ang naging basehan upang isantabi ang foul play.

Matatandaang nagdulot ng matinding atensyon ang kaso matapos magsagawa ng paghahanap ang pamilya ng biktima. Noong Marso 18, opisyal na iniulat na nawawala si Tablate.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Makalipas ang limang araw, natagpuan ng mga operatiba ng Pasig City Police Station ang kaniyang mga labi sa loob ng isang pabrika na ilang kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan.

Kinumpirma ni Pasig City Police Chief PCOL Hendrix B. Mangaldan na positibong kinilala ng pamilya ang mga labi ng biktima.

Bagama’t isinara na ng pulisya ang anggulo ng foul play, muling umigting ang usapin sa social media hinggil sa kapakanan ng kabataan at kahalagahan ng suporta sa mental health.

Samantala, sa isang social media post noong Miyerkules, Marso 25, nagpahayag naman ng pagdadalamhati ang ama ng biktima na si JR Tablete.

“I am heartbroken to say that my love, Isabelle Sophia Tablate has passed away. I feel deep regret and I wish I had more time with my love,” ani Tablate.

“I miss you, Love, more than words can say and I will long for you every day for the rest of my life. Daddy is so sorry for failing you, I will carry that pain with me always,” dagdag pa niya.

KAUGNAY NA BALITA: Ama ng dalagitang nagtagpuang patay sa Pasig, ibinahagi mensahe sa biktima