Nagawang kuwestiyonin ng isang delivery rider na hindi nakatanggap ng subsidiya mula sa pamahalaan kung bakit nakasama umano sa listahan ng mga nakatanggap ang kakilala niyang Person With Disabilities (PWD) kahit hindi naman daw ito nagmamaneho.
Ayon sa inupload na video ng ABS-CBN News sa panayam nila sa rider na si Angelo Libranda sa Quezon City nitong Huwebes, Marso 26, 2026, sinabi niyang hindi raw siya nakatanggap ng subsidiya.
“Wala po, e,” pagsisimula niya.
Giit ni Libranda, tila ipinagtataka naman daw niya kung bakit nakasama ang isang PWD na walang driver’s license at hindi nagmamaneho sa mga nabigyan ng subsidiya.
“Pero ‘yong kilala ko po, hinanap ko na hindi talaga siya nagmamaneho [at] walang valid driver’s license, nandito sa listahan,” diin niya.
Panlulumo niya, “Samantalang ako, araw-araw pong bumabyahe, wala.”
Pagpapatuloy ni Libranda, tiyak daw niyang hindi talaga nagmamaneho ang hindi niya pinangalanang kakilala niyang PWD na nakasama sa listahan.
“Hindi po talaga siya bumabyahe dahil PWD po siya pero nandito po siya sa listahan,” aniya.
Kuwestiyon ng rider, “Kaya nakakapagtaka, saan po galing ‘yong listahan na ‘yon.”
Matatandaang nagsimula ang distribusyon ng subsidiya para sa mahigit 8,000 na Transportation Network Vehicle Service (TNVS) drivers at mga delivery rider sa Quezon City mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Marso 24, 2026.
Ayon din sa ulat ng ABS-CBN noong Marso 24, mula raw ang mga rider na nakatanggap ng subsidiya sa listahang aprubado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) base sa binigay na listahan sa kanila ng Transport Network Companies (TNC).
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, inanunsyo ₱10k subsidy sa bawat bus unit
KAUGNAY NA BALITA: Tatanggap din! ₱5k fuel subsidy, ipamamahagi sa higit 9k magsasaka—DA