May 21, 2026

Home BALITA National

'Mananatili kaming matatag sa aming pangako!' OVP, ibinida accomplishment report

'Mananatili kaming matatag sa aming pangako!' OVP, ibinida accomplishment report
Photo courtesy: OVP/FB

Naglabas ng ulat ang Office of the Vice President (OVP) na naglalaman ng kanilang mga nagawa mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2025, kung saan milyon-milyong Pilipino ang napagkalooban ng iba’t ibang uri ng tulong at serbisyo.

Ayon sa OVP, patuloy nilang isinulong ang mandato na maghatid ng tulong, pag-asa, at serbisyong may malasakit sa iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan.

"Mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2025, patuloy naming isinulong sa Office of the Vice President (OVP) ang aming mandato na maghatid ng tulong, pag-asa, at serbisyong may malasakit sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan," anila.

"Sa bawat programang ipinatupad, layunin naming maabot ang mga komunidad na higit na nangangailangan at matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa abot ng aming makakaya."

Sa ilalim ng kanilang mga programa, umabot sa 2,939,570 pasahero ang natulungan sa pamamagitan ng Libreng Sakay, habang 535,596 pamilya ang nabigyan ng ayuda sa Relief Operations.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Nasa 231,604 indibidwal naman ang nakinabang sa Riice Program, at 10,631 katao ang naserbisyuhan ng Kalusugan Food Truck.

Malaki rin ang naging ambag ng Pagbabago Campaign, kung saan 603,751 bag ang naipamahagi at 1,089,750 puno ang naitanim bilang bahagi ng environmental efforts.

Sa larangan ng kabuhayan, 39 grupo at 4,475 indibidwal ang natulungan sa Mag Negosyo Ta’Day Program.

Samantala, sa edukasyon at nutrisyon, 16,233 estudyante ang nabigyan ng suporta sa Pansarap Program, habang limang estudyante naman ang direktang natulungan sa You Can Be VP Program.

Sa aspeto ng kalusugan at serbisyong panlipunan, 271,631 indibidwal ang nabigyan ng tulong medikal, at 64,234 indibidwal ang natulungan sa Burial Assistance Program.

Binigyang-diin ng OVP na ang bawat bilang sa kanilang ulat ay kumakatawan sa mga kwento ng pagbangon at inspirasyon. Anila, ang mga serbisyong ito ay bunga ng pagtutulungan, dedikasyon, at taos-pusong hangarin na makapaghatid ng positibong pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.

"Ang bawat serbisyong aming naihatid ay bunga ng pagtutulungan, dedikasyon, at taos-pusong hangarin na makapagbigay ng positibong pagbabago. Naniniwala kami na sa likod ng bawat numero ay may kwento ng pagbangon at inspirasyon na patuloy naming pinahahalagahan," anila.

Sa mga susunod na taon, tiniyak ng OVP na mananatili silang tapat sa kanilang pangako na magbigay ng inklusibo, makabuluhan, at serbisyong publiko para sa lahat.

Patuloy rin nilang hinihikayat ang sambayanan na makiisa sa layuning makamit ang isang mas maunlad, matatag, at inklusibong Pilipinas.