Ibinahagi ng Palasyo ang ilang mga punto at ideya hinggil sa paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng batas na magbibigay sa kaniya ng awtoridad na bawasan o suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo, bunsod sa patuloy na pagtaas ng presyo nito dahil sa sigalot sa Middle East.
MAKI-BALITA: PBBM, pirmado na batas na magsususpinde sa fuel excise tax!-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Marso 26, tahasang sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi pa tiyak ng pamahalaan kung magkano nga ba ang aabutin ng mababawas kapag naikasa na ang suspensyon o pagbabawas sa excise tax ng langis.
“Sa ngayon, nakausap po natin si [Department of Energy (DOE)] Secretary Sharon Garin, at ito ay under review sa ngayon, dahil paiba-iba nga po ang presyo ng produktong petrolyo,” saad ni Usec. Castro.
Ipinaliwanag din niya ang dahilan kung bakit kailangan pang maghintay ng 15 na araw bago ganap na maimplementa ang nasabing batas hinggil sa buwis sa krudo.
“Ngayon kung bakit nandoon pa rin po na it will take effect after 15 days upon after its publication, ito naman po ay naaayon sa batas. Ayon sa Article 2 ng Civil Code, ito po ang karaniwang araw na tinatawag nating grace period bago ma-implement or mag-take effect ang isang batas,” giit ni Castro.
Aniya, “Ito po ay para sa sinasabi nating right to due process, para lahat ng stakeholders, lahat ng kababayan natin lahat ng taong involved ay malaman dahil alam naman natin [na] kapag ito ay na-publish, it will be considered as an information or a notice to the whole world. So, para sila ay makapagbasa, maintindihan, makapag-assess at makapag-prepare.”
“Doon po sa 15 days na grace period, ito po ay nakakapagbigay sa kanila ng pagkakataon kung ano ang maaari nilang gawin; at ito pong 15-day grace period, ang maaari lamang pong magpabago nito ay ang Kongreso. So, wala po sa kamay ‘yan ng ating Pangulo,” paliwanag pa niya.
Giit pa ng press officer, pag-aaralan pa ng pamahalaan ang sinasabing pagsusubsidiya ng gobyerno sa mismong pagtaas ng presyo ng langis, hiwalay sa tulong-pinansyal na natanggap ng mga sektor na labis na apektado ng taas-presyo ng krudo.
Sa nasabing subsidy, pamahalaan ang magbabayad ng “portion” ng presyo ng krudo. Bunga nito, ang buong taumbayan, hindi lamang piling sektor ang “covered” ng naturang subsidiya.