Pinatutsadahan ni MANIBELA Chairperson Mar Valbuena ang truck na nag-iikot sa Maynila na may alok na libreng sakay, sa kasagsagan ng kanilang transport strike nitong Huwebes, Marso 26, 2026.
Sa gitna ng panayam ng media kay Valbuena, dumaan ang libreng sakay ng lokal na pamahalaan ng Maynila kung saan tila pinatutsadahan niya at ng ilan pang miyembro ng MANIBELA ang truck na tila pang-sabak umano sa giyera.
“Tingnan mo, picturan mo. Wala ng pasahero! Di na nakapasok, huli ka na!” ani Valbuena.
Hirit pa niya, “Lalaban ba sa giyera 'yan? Lalaban ba sa giyera?”
Pinuna rin niya ang tila pagkahawig ng nasabing truck sa isang truck umano ng basura.
“Anong tingin n'yo sa mamamayan, basura?” saad pa niya.
Matatandaang nitong Huwebes nang ikasa ng MANIBELA ang unang araw ng kanilang tigil-pasada na magtatagal hanggang Biyernes, Marso 27.
Noong Lunes, Marso 23 nang ihayag ng grupo ang malawakan nilang pagkilos kasunod nang patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon pa kay Valbuena, kasama ng kanilang hanay ang iba pa mula sa pampublikong transportasyon kasama ang UV express, truckers group, transportation network vehicle services (TNVS) at mga motorcycle taxi drivers.
KAUGNAY NA BALITA: MANIBELA, raratsada ng transport strike sa Marso 26-27!