Idinaan ni Sen. Robin Padilla sa bukas na liham ang pag-apela kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para bawiin ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah o North Borneo.
Ito ay sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa sa produktong petrolyo.
Kaya sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Marso 25, pinakikilos na niya ang gobyerno dahil mayaman umano sa langis ang nasabing pulo.
Aniya, “Kailangan na nating kumilos at magpadala ng ating mga sugo. Ang North Borneo ay mayaman na sa yamang langis.”
“Dapat ituon ni Tariella at ng kanyang grupo ang kanilang makabayang sigasig sa isla, na nakikita sa parehong low tide at high tide,” dugtong pa ng senador.
Matatandaang pormal na naghain ng claim ang Pilipinas sa Sabah noong Hunyo 1962 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Ngunit sa kasalukuyan, pinangangasiwaan pa rin ng Malaysia ang naturang teritoryo simula noong maitatag ang Federation of Malaysia noong 1963.