May 21, 2026

Home BALITA Probinsya

Tatlo katao, patay matapos kumain ng butete!

Tatlo katao, patay matapos kumain ng butete!
Photo courtesy: Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 5 (FB)

Pumanaw ang tatlong residente sa Barangay Maihao, Cawayan, Masbate matapos umano nilang makakain ng botete o pufferfish noong Marso 21.

Batay sa mga ulat, nakaranas umano ng matinding sintomas ang mga biktima ilang minuto matapos makakain ng naturang isda.

Hindi na umano sila naisalba pa, na nagdulot ng panibagong alarma sa komunidad hinggil sa panganib ng pagkain ng butete.

Samantala, muling nagpaalala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 5 (BFAR-5) na mahigpit na iwasan ang pagkain ng “tikong” o pufferfish dahil sa taglay nitong lason na tinatawag na tetrodotoxin. Ayon sa ahensya, ang naturang lason ay hindi naaalis kahit pa ito ay lutuin, prituhin, o pakuluan.

Ipinaliwanag ng BFAR na ang tetrodotoxin ay direktang umaatake sa nervous system ng tao, na nagdudulot ng pamamanhid, paralisis, at sa malalang kaso ay pagkamatay. Wala ring kilalang antidote o lunas laban sa lasong ito, kaya’t mahalaga ang agarang pag-iwas sa pagkonsumo nito.

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

"Ang puffer fish o butete/tikong, gayundin ang goby fish o biya/mulog, ay nagtataglay ng mapanganib na lason na tinatawag na tetrodotoxin na maaaring magdulot ng pamamanhid, pagbabara ng mga ugat, at pagkaparalisa ng mga kalamnan na posibleng humantong sa kamatayan," anila.

"Alinsunod sa Fisheries Administrative Order No. 249, Series of 2014 na ipinalabas ng Department of Agriculture, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, at pagkonsumo ng butete sa anumang anyo, sariwa man o naproseso, dahil sa mataas nitong toxicity o lason," pahayag pa.

Dagdag pa ng BFAR, ipinagbabawal din ang pagbebenta, pamamahagi, at pagkain—maging sariwa man o naproseso—ng goby fish o biya/mulog alinsunod sa Fisheries Administrative Order No. 249, series of 2014.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag sa mga uri ng isdang kinakain at agad na magtungo sa pinakamalapit na ospital sakaling makaranas ng sintomas ng pagkalason.

Samantala, pinaalalahanan din ang mga mangingisda at mamimili na sumunod sa mga regulasyon upang maiwasan ang mga insidenteng katulad nito.