Ngayong Martes, Marso 24, ginugunita ang “World Tuberculosis Day,” upang bigyan ang bawat isa ng sapat na kaalaman patungkol sa sakit na TB, at paalalahanan ang mga indibidwal kung paano makaiiwas dito.
Depinisyon ng Tuberkulosis (TB)
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang tuberkulosis o TB ay isang nakahahawang sakit na dulot ng isang bacteria na madalas ay pinupuntirya ang mga baga ng tao.
Kadalasan, ito ay napapasa sa isang tao sa pamamagitan ng isang indibidwal na may TB na umubo, suminga, o dumura.
Ayon pa sa nasabing organisasyong pangkalusugan, aabot sa humigit-kumulang 29,000 katao sa buong mundo ang nagkakaroon ng tuberkulosis araw-araw, habang higit 3,300 naman ang namamatay dahil dito kada 24 oras.
Ilan sa mga sintomas ng TB ay ang pag-ubo (kadalasan ay may kasamang dugo), pananakit ng dibdib, panghihina, pagbaba ng timbang, “night sweats,” at lagnat.
Maikling Kasaysayan ng Tuberkulosis (TB)
Ayon sa National Center for Biotechnology Information at Centers for Disease Control and Prevention, libong taon na ang lumipas mula noong unang na-trace ang mga ebidensya ng sakit na TB.
1. Ancient Egypt (circa 2000 BCE) - na-trace ang ilang ebidensya ng sakit na TB mula sa mummies ng mga namayapang indibidwal.
2. Ancient Greece (circa 400 BCE) - nakuha naman ang “early documentation” ng sintomas ng TB.
3. Taong 1700s hanggang 1800s - Naganap ang White Plague na nagdulot ng pagkamatay ng maraming tao.
4. Marso 24, 1882 - Nadiskubre ng alemang physician at bacteriologist na si Robert Koch ang “bacterium” na nagdudulot ng sakit na tuberkulosis.
5. Taong 1921 - Nabuo ang kauna-unahang bakuna kontra TB para sa mga kabataang mayroon nito.
6. Taong 1940s hanggang 1950s - Nabuo ang “antibiotics” panlanban kontra sa sakit na TB.
Mga maling paniniwala patungkol sa TB
Pinasinungalingan ng mga artikulo mula sa Health Site at Medical News Today ang ilan sa mga “myths” pagdating sa sakit na tuberkulosis.
1. Ang tuberkulosis ay namamana (genetic disorder).
Ayon sa Health Site, ang sakit na TB ay nakukuha mula sa Mycobacterium tuberculosis, na siyang naipapasa sa pamamagitan ng hangin.
“While genetics may play a role in an individual's susceptibility to tuberculosis, the disease itself is not a genetic disorder. Instead, it is transmitted from person to person through air when an infected individual coughs or sneezes, releasing the bacteria,” saad ng Health Site.
2. Hindi nagagamot ang TB.
Ayon sa naturang source, ang tuberkulosis ay nadadaan sa tamang treatment.
Madalas daw ay kinakailangan ng isang taong may TB na uminom ng ilang uri ng antibiotics upang mapuksa ang bacteria na nagdudulot ng nasabing sakit.
3. Mga baga lamang ang pinupuntirya ng TB.
Taliwas sa kinagisnan ng lahat, hindi lamang mga baga ang naaapektuhan ng sakit na tuberkulosis.
Ayon sa Health Site, maaari ding magbunga ng “damage” sa mga bato, spine, at utak ang sakit na tuberkulosis.
4. Ang lahat ng taong may TB ay maaaring makahawa.
“This is untrue. Someone with TB can only transmit the infection if they develop symptoms. This means that someone with a latent infection cannot transmit TB,” saad ng Medical News Today.
Paglilinaw nila, hindi makahahawa ang isang tao kung ang bacteria niya ay nasa bato, spine, o utak.
5. Mga tao sa “low-income countries” lamang ang nagkakaroon ng TB.
Ayon sa Medical News Today, lahat ng tao ay “vulnerable” sa sakit na tuberkulosis.
“This is a myth; TB can affect people anywhere in the world. However, there are certain regions wherein TB is more prevalent. According to the WHO, in 2019, 44%Trusted Source of new TB cases occurred in Southeast Asia. Eight countries account for two-thirds of new cases: India, Indonesia, China, the Philippines, Pakistan, Nigeria, Bangladesh, and South Africa,” mababasa sa ulat ng Medical News Today.
Mahalagang maunawaan ng bawat isa ang mga maling paniniwala patungkol sa sakit na tuberkulosis, dahil makatutulong ito upang maiwasan ang diskriminasyon at matiyak na patuloy nang mapupuksa ang banta ng sakit na ito.