Binanggit ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang aniya’y mga programa ng pamahalaan para sa mga Pilipinong maituturing na “middle class.”
Kaugnay ito sa epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa mga Pinoy middle class na hindi namamasahe o nagco-commute, ngunit naaapektuhan pa rin ng nasabing isyu.
“Ngayon, makikita po natin, mayroon pong inilunsad na 50% discount sa MRT-3 and LRT-2. ‘Yan po ay malaking bahagi at malaking bagay po na tulong ng ating Pangulo at ng gobyerno sa ating mga kababayan,” saad ni Usec. Castro sa press briefing ng PCO nitong Lunes, Marso 23.
Aniya, “Nandiyan din po ang inilulunsad na libreng sakay, at kapag ka po nandiyan na po ang gagawing pag-reduce or pag-suspend ng excise tax, mararamdaman din po natin ito dahil maybe hindi sila bumibili ng kanilang gasolina pero indirectly, makakaramdam po sila ng kapakinabangan dito.”
Natanong din ang press officer kaugnay sa estado ng hindi pa rin napipirmahang panukala hinggil sa pagbawas o suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
“This is the mere fact that the President wants it to be enforced immediately. The only reason that he could not do it because the bill has not been reached the President, as of now,” anang press officer.
Pag-amin pa ni Usec. Castro, hindi siya sigurado kung bakit tila naaantala ang pag-usad ng naturang bill.
Giit niya, ang nais lamang ng Pangulo ay mabigyan ito ng emergency powers at gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang “impact” ng aniya’y krisis na nagaganap sa Middle East.
Sa parehong press briefing, nilinaw din ni Castro na marahil daw ay “price disruption” sa krudo ang kasalukuyang nagaganap sa bansa, hindi isang krisis.
“So, ngayon po, kung pag-uusapan po natin ang suplay ay wala po tayong sasabihing krisis pagdating sa suplay. Maybe mayroon pong price disruption dahil nga po sa nangyayaring oil crisis sa Middle East. So, ‘yon po ‘yong pananaw ni Secretary Garin,” saad ni Castro.
MAKI-BALITA: Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo-Balita