Idiniin ng Palasyo na sa kasalukuyan ay hindi pa humaharap sa “oil crisis” ang bansa, kasabay ng patuloy na sigalot sa Gitnang Silangan, na nagreresulta ng pagsirit sa presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong Lunes, March 23, tiniyak din ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na patuloy ang pagkilos ng pamahalaan upang mapunan ang suplay na kailangan ng bansa pagdating sa nasabing produkto.
“‘Pag sinabi po natin na oil crisis, maliwanag din po ang sinabi ni Secretary Sharon Garin ng [Department of Energy] DOE, na sa ngayon ay hindi pa kinokonsidera na mayroon tayong oil crisis dahil kumpleto po tayo, at enough po ang suplay ng langis,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “Nagpupursigi po ang DOE at ang pamahalaang ito, sa utos na rin po ni Pangulong Marcos Jr. na hindi mapatid ang suplay ng langis o produktong petrolyo sa ating bansa. Sa katunayan, sinabi po ni Secretary Garin na mayroon na pong negosasyon patungkol sa 440,000 barrels ng fuel. Sa susunod naman po ay mayroong 600,000 barrels na maaari po tayong maangkat.”
Nagbigay din ng paglilinaw ang press officer matapos umanong mabanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang panayam ang terminong “krisis” patungkol sa produktong petrolyo.
“Ang sinasabi po natin na wala pa po, at hindi pa dinedeklara na mayroon tayong oil crisis dahil nga po sapat ang suplay sa ngayon. Most probably, according to Secretary Sharon, ang nagkakaroon lamang po ng isyu ay tungkol sa presyo—dahil alam naman po natin kung ano ang nangyayari na krisis sa Middle East,” anang press officer.
Paglilinaw pa niya, “Ang nais pong sabihin ng Pangulo patungkol sa oil crisis, pinapatungkulan niya po doon ay ang oil crisis sa Middle East. Pero sa ngayon po, sa atin, at sa payo ni Secretary Garin sa ating Pangulo, wala pa po tayong maaaring tawaging oil crisis sa bansa.”
Giit pa ni Usec. Castro, hindi pa rin daw matutukoy kung kailan ba makokonsidera o matatawag na mayroon nang krisis sa langis dahil patuloy daw ang pagsusumikap ng pamahalaan na mapunan ang kinakailangang suplay ng krudo sa bansa.
Sa isang press briefing kamakailan, matatandaang isiniwalat mismo ni PBBM na siya ay nakikipag-usap na sa ibang mga bansang maaaring pagbilhan ng pamahalaan ng suplay ng krudo.
“We are talking to many other countries who we normally do not buy oil from, but hopefully we will be able to come to an agreement with them, and we will get further supply from them,” saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: PBBM, nakikipag-usap na sa ibang bansang puwedeng mapagkunan ng suplay ng langis-Balita
Samantala, patuloy naman ang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, at posible rin ang pagtaas pa nito sa mga susunod pang araw.