Naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang Nice Print Photo hinggil sa binatikos na "unique food service at entertainment presentation" ng kanilang catering service team sa naganap na 20th anniversary ng kanilang kompanya.
Sa nag-viral na video, makikitang may tila headdress ang ilang server ng event kung saan nakapatong dito ang ilang dessert, bagay na hindi naman nagustuhan ng mga netizen, dahil tila "sensitive" daw.
Batay sa mga reaksiyon at komento, tila hindi raw magandang tingnan na ganoon ang trato ng guests sa mga serbidor na tila "laruan."
Ang konsepto raw nito ay tila "Hunger Games" at "Squid Games."
Sa isang opisyal na pahayag, kinilala ng kompanya ang mga usapin at reaksiyon ng publiko hinggil sa ilang segment ng kanilang event.
Ayon sa kanila, bagama’t layunin ng konsepto na maging isang artistic performance, aminado silang may ilang nakakita rito bilang "insensitive" at nakaranas ng hindi komportableng sitwasyon.
Iginiit ng Nice Print na hindi nila intensyong magdulot ng anumang discomfort sa kanilang mga bisita. Gayunman, humingi sila ng paumanhin sa mga naapektuhan at kinilala na may kakulangan sa aspeto ng pag-iingat at respeto na kanilang pinahahalagahan.
Dagdag pa ng kompanya, itinuturing nila ang insidente bilang isang pagkakataon upang magnilay at pagbutihin ang paraan ng pagpapatupad ng kanilang mga creative concept sa hinaharap.
Nagpasalamat din sila sa publiko sa pagbibigay ng feedback na magsisilbing gabay sa kanilang pag-unlad.
Narito ang kabuuang pahayag ng Nice Print: "Regarding our 20th Anniversary event, we would like to address the conversations surrounding specific segments of our food service and entertainment presentation."
"While the concept was intended as an artistic performance, we duly recognize that the execution was perceived by some as insensitive and may have caused discomfort. This was never our intention."
"We sincerely apologize to those who may have felt discomfort as we fell short of the care and respect we strive to uphold. We value your thoughts and will use this as an opportunity to reflect and be more mindful in how we bring creative concepts to life moving forward. Thank you for allowing us to grow," anila pa.
Sa kabila ng kontrobersiya, umaasa ang Nice Print na maibabalik nila ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng mas maingat at responsableng paglikha ng kanilang mga susunod na proyekto.
Samantala, nagbigay na rin ng opisyal na pahayag tungkol dito ang "Juan Carlos The Caterer," ang catering service team ng Nice Print sa kanilang event.
Sa isang opisyal na mensahe, kinilala ng Juan Carlo ang mga hinaing at reaksiyon ng mga dumalo at netizen matapos ang naturang event. Ayon sa kanila, bagama’t bahagi ng mas malawak na creative direction ang presentasyon, nauunawaan nilang may ilang nakaranas ng hindi komportableng sitwasyon.
Bilang catering team, iginiit ng grupo na buo nilang inaako ang responsibilidad sa kung paano naranasan ng mga bisita ang kanilang serbisyo.
Nagpahayag din ang Juan Carlo ng taos-pusong paghingi ng paumanhin sa mga naapektuhan. Anila, pinahahalagahan nila ang feedback ng publiko at gagamitin ito bilang gabay upang mas maging maingat at sensitibo sa kanilang mga susunod na proyekto.
Dagdag pa ng grupo, ang insidente ay nagsilbing pagkakataon upang sila ay makinig, magnilay, at magpatuloy nang may higit na pag-iingat sa kanilang mga susunod na hakbang.
Sa kabila ng kontrobersiya, umaasa ang Juan Carlo na maibabalik nila ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng mas maingat at responsableng serbisyo sa hinaharap.
Maki-Balita: Catering service team, nag-sorry sa binatikos na 'kakaibang' service presentation