May 15, 2026

Home BALITA

DSWD, nagbabala kontra sa mga nag-aalok ng bata online

DSWD, nagbabala kontra sa mga nag-aalok ng bata online
Photo courtesy: DSWD, Unsplash


Nagpaalala sa publiko ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa mga naglipanang child adoption processes online.

Sa isang video statement na ibinahagi ng DSWD sa kanilang social media page noong Linggo, Marso 22, idiniin ng ahensya na ilegal ang nasabing proseso ng pag-aampon.

“Let us be clear: Adoption is never a private agreement between individuals,” panimula ng DSWD.

Anila, “Hindi ito inaayos sa Facebook chat o kung saan mang messaging app. Kapag may nag-alok ng bata online, kahit pa sabihing tulong o pagmamalasakit, illegal adoption pa rin ‘yan; at sa ilalim ng batas, krimen ito at may parusang kulong.”

Ipinaliwanag din ng DSWD kung bakit nararapat na dumaan sa legal na proseso ang pag-aampon ng isang bata.

“Dahil ang adoption ay hindi tungkol sa kung ano ang gusto ng mag-aampon. Ito ay para sa proteksyon ng batang nangangailangan ng pamilyang magmamahal at kabibilangan niya,” anang DSWD.

“When adoption happens outside the legal process, children are exposed to serious risks—loss of identity, abuse, neglect, trafficking, and additional trauma,” dagdag pa nila.

Misis ng nahuling NBI volunteer, nanindigang walang kasalanan ang asawa

Diin pa ng ahensya, kung nais na mag-ampon, dapat na makipag-ugnayan o dayalogo ang isang indibidwal, sa National Authority for Child Care sa pamamagitan ng regional alternative child care offices (RACCOs).

“Ang bata ay hindi bagay, hindi produkto, at lalong hindi transaksyon. Ang desisyon na mag-ampon ay isang pang-habangbuhay at makabuluhang desisyon,” pagdidiin ng ahensya.

“Hindi ito lukso lang ng damdamin o ng awa; kaya dapat dumaan sa legal na proseso ng adoption dahil ang bata ay buhay na dapat protektahan. Protect children, choose legal adoption,” pagtatapos ng DSWD.

Mababasa naman sa website ng DSWD ang ilan sa mga impormasyon kaugnay sa pag-aampon ng bata katulad ng tatlong uri ng child adoption, “components” ng pag-aampon, at ang epekto nito sa magiging buhay hindi lamang ng bata, kung hindi ng mag-aampon dito.