Naglabas ng opisyal na pahayag ang "Juan Carlo The Caterer" kaugnay sa pinag-usapang unique na service presentation nila ng pagkain sa event ng isang kilalang photography company, na umani ng kritisismo sa mga netizen.
Sa nag-viral na video, makikitang may tila headdress ang ilang server ng event kung saan nakapatong dito ang ilang dessert, bagay na hindi naman nagustuhan ng mga netizen, dahil tila "sensitive" daw.
Batay sa mga reaksiyon at komento, tila hindi raw magandang tingnan na ganoon ang trato ng guests sa mga serbidor na tila "laruan."
Ang konsepto raw nito ay tila "Hunger Games" at "Squid Games."
Sa kanilang opisyal na pahayag na naka-post sa kanilang opisyal na Facebook page nitong Linggo, Marso 22, mababasa ang paghingi ng paumanhin at paninindigan ng catering service team kasunod ng mga batikos mula sa publiko hinggil sa kanilang service presentation sa nagdaang ika-20 anibersaryo ng Nice Print.
"Taking this moment to listen, reflect, and move forward with greater care," mababasa sa caption ng post.
Anila, kinilala ng Juan Carlo ang mga hinaing at reaksiyon ng mga dumalo at netizen matapos ang naturang event. Ayon sa kanila, bagama’t bahagi ng mas malawak na creative direction ang presentasyon, nauunawaan nilang may ilang nakaranas ng hindi komportableng sitwasyon.
Bilang catering team, iginiit ng grupo na buo nilang inaako ang responsibilidad sa kung paano naranasan ng mga bisita ang kanilang serbisyo.
Nagpahayag din ang Juan Carlo ng taos-pusong paghingi ng paumanhin sa mga naapektuhan. Anila, pinahahalagahan nila ang feedback ng publiko at gagamitin ito bilang gabay upang mas maging maingat at sensitibo sa kanilang mga susunod na proyekto.
Dagdag pa ng grupo, ang insidente ay nagsilbing pagkakataon upang sila ay makinig, magnilay, at magpatuloy nang may higit na pag-iingat sa kanilang mga susunod na hakbang.
Sa kabila ng kontrobersiya, umaasa ang Juan Carlo na maibabalik nila ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng mas maingat at responsableng serbisyo sa hinaharap.