Isiniwalat ng host, comedian, at dancer na si Vhong Navarro ang uri ng samahang mayroon sila ng mga co-host niya sa “It’s Showtime.”
Sa latest episode ng vlog ni “Diamond Star” Maricel Soriano kamakailan, kinumusta niya kay Vhong ang nasabing noontime show gayundin ang mga host nito.
“Kumusta naman samahan n’yo, anak?” usisa ni Maricel.
Sagot ni Vhong, “Ang ‘Showtime’ kasi, number one, bawal pikon. Masaya, pamilya [kami]. Talagang off cam kahit sa bahay lang, sa [group chat] namin, makukulit pa rin.“Walang kupas. ‘Yong kamustuhan hindi natatapos, ‘yong kulitan pati sa messages sa GC nandoon pa rin. Hindi nawawala,” dugtong pa niya.
Ayon kay Vhong, malaking factor umano ng samahang matagal na nilang kilala at kabisado ang isa’t isa.
“Saka kasi kilala n’yo na ‘yong isa’’t isa. So kabisado n’yo na ‘yong bawat isa. So alam n’yo na hanggang saan,” paliwanag pa niya.
Sa kasalukuyan, labing-anim na taon nang umeere sa telebisyon ang “It’s Showtime.” Nagsimula ito sa ABS-CBN noong Oktubre 2009 at ngayon ay nasa GMA Network.
Matatandaang kabilang si Vhong sa orihinal na host ng noontime show kung saan kasama niya sina Vice Ganda, Kim Atienza, Jugs Jugueta, Anne Curtis, at Teddy Corpuz.
Samantala, pinangalanan naman niya si Jhong Hilario bilang co-host na pinakamalapit sa kaniya.