Nahaharap sa kasong kriminal ang isang 28-anyos na babaeng guro matapos umamin sa pagkakaroon ng romantic relationship sa kaniyang 10th grader na 15-anyos na lalaking estudyante sa loob ng ilang buwan, sa Ohio, United States.
Batay sa ulat ng New York Post, kinilala ang guro na si Jamelah Daboubi, dating nagturo sa Horizon Science Academy sa Columbus.
Ayon sa mga dokumento ng korte na nakuha ng WBNS, umamin siya sa kasong gross sexual imposition at unlawful sexual conduct with a minor sa Franklin County Common Pleas Court noong nakaraang buwan.
Naaresto si Daboubi noong Abril 2025 matapos mahuli umano ng tiyahin ng biktima ang dalawa habang nasa loob ng sasakyan.
Sa imbestigasyon, sinabi umano ng estudyante, na isang 10th grader, na matagal na umano silang may relasyon ng kaniyang guro.
Natuklasan din ng mga awtoridad ang maraming mensaheng ipinadala sa cellphone ng estudyante, kabilang ang mga palitan nila ng sweet messages sa isa't isa.
Agad na tinanggal sa serbisyo si Daboubi matapos ang kaniyang pagkakaaresto.
Nauna na siyang sinampahan ng reklamong two counts of sexual battery, ngunit kalaunan, binago ang mga kasong isinampa laban sa kaniya, ayon sa mga tagausig.
Posible umanong maharap si Daboubi sa hanggang 18 buwang pagkakakulong kapag siya ay nahatulan, bagama’t wala pang itinakdang petsa para sa kaniyang sentencing.
Inirekomenda rin ng korte na isailalim siya sa limang taong community control, sumailalim sa counseling, isuko ang kaniyang lisensya bilang guro, at magsagawa ng community service.
Bukod dito, kinakailangan din niyang magparehistro bilang isang sex offender alinsunod sa batas.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad hinggil sa kahalagahan ng proteksyon sa mga menor de edad laban sa anumang uri ng pang-aabuso, lalo na mula sa mga taong may posisyon ng kapangyarihan at tiwala tulad ng mga guro.