May 22, 2026

Home BALITA

PBBM sa mga nagpoprotestang tsuper: 'Hindi kayo pababayaan ng pamahalaan!'

PBBM sa mga nagpoprotestang tsuper: 'Hindi kayo pababayaan ng pamahalaan!'
Photo Courtesy: Screenshot from Bongbong Marcos (FB), via MB

Binigyan ng kapanatagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga nagprotestang tsuper sa gitna ng epekto ng nangyayaring sigalot sa Gitnang Silangan sa sektor ng transportasyon. 

Inilunsad ng PISTON (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide) ang transport strike noong Marso 19 hanggang Marso 20 para ipanawagan ang kanilang hinaing sa gobyerno.

Maki-Balita: Grupo ng mga abogado, kinatigan tigil-pasada ng mga tsuper

Kaya sa latest Facebook post ni Marcos, Jr. nitong Linggo, Marso 22, tiniyak niyang hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga tsuper.

Ito ay matapos niyang ilatag ang mga naging tugon ng pamahalaan sa nangyayaring krisis sa langis kabilang ang pagbibigay ng cash relief at subsidy.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Naiintindihan natin ang sigaw ng mga nagpoprotesta na kababayan nating nasa sektor na ito. Pero gusto kong ulitin sa inyo, hindi kayo maiiwanan. Hindi kayo pababayaan ng pamahalaan,” saad ng Pangulo.

Dagdag pa niya, “Masusi nating binabantayan ang mga presyo ng mga ibang bilihin. No’ng isang araw naman, sumugod din tayo sa palengke para makita ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Sa awa naman ng Diyos, stable pa at walang masyadong pag-abuso.”

Matatandaang matapos ianunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taas-pasahe para sa mga pampublikong transportasyon sa bansa bunsod ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo, biglang kumambiyo si Marcos, Jr.

Sinuspinde niya ang fare hike dahil sa umano’y hinaing ng mga commuter. 

Maki-Balita: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!