Nag-viral sa social media ang rant post ng Kapuso actor na si Rocco Nacino matapos niyang ibahagi ang kaniyang pagkadismaya sa natanggap na mataas na singil sa kuryente mula sa Manila Electric Company o Meralco.
Sa kaniyang social media post noong Marso 20, ikinagulat ni Rocco ang umano’y “differential bill” na umabot sa mahigit ₱31,000 bukod pa sa kaniyang regular na buwanang bayarin.
“Meralco may I be connected to your customer service line? I am being billed for a differential bill of 31k plus. Saan galing ‘yan at ano basis ninyo for a ‘differential’ bill aside from my monthly bill?” anang aktor.
Dagdag pa niya, nabahala siya nang may ipinadalang mga technician para umano sa posibleng disconnection, kahit hindi pa malinaw sa kaniya ang detalye ng dagdag-singil.
“Nakakapagtaka na doble-doble ang bills,” giit niya, sabay tanong kung may iba pang nakaranas ng kaparehong sitwasyon.
Photo courtesy: Screenshot from Rocco Nacino/FB
Kalaunan, ibinahagi rin ni Nacino na nakipag-ugnayan na sa kaniya ang Meralco upang ipaliwanag ang billing. Sa huli, binayaran na rin niya ang nasabing halaga.
Gayunpaman, mas lalo siyang nabigla nang hilingin niya ang kaniyang billing history.
“Pagrequest ko ng billing history, 6 digits na ang annual na binabayad namin sa kuryente. Jusko…” aniya.
Dahil dito, nagpahiwatig ang aktor na ikinokonsidera na niyang mag-upgrade sa solar energy system sa tulong ng isang solar company upang mapababa o tuluyang mawala ang kanilang bayarin sa kuryente.
Photo courtesy: Screenshot from Rocco Nacino/FB
Ang naturang post ay umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens, kung saan may ilan ding nagbahagi ng kaparehong karanasan hinggil sa mataas o hindi inaasahang electric bill.
"IMAGINE! Si Rocco nga nainda na yung bills. Pano pa kami na sumasahod lang ng 400+ per day?"
"Grabe nga ung bill now, last month 1.5k lng, ngayon bill 2.5k na bakit ganon kabilis naman 1k tlga ang itinaas nang bill?? Tapos pati sa water bill may scam din, fully paid nako last bill tapos ngayon meron ako for disconnection dahil meron ako previous bill na 60pesos."
"Hindi ka nag iisa madaming ganyan silang case lalo na yung mga pinalitan ng kuntador to digital eme nila biglang lobo ang bill tinalo pa commercial eh resedential lang naman."
"Samin naman may bill deposit pa. Bukod yung monthly bill. 12 months to pay daw. So idadagdag siya sa regular monthly bill namin. Last year ang dumating samin na bill deposit 500+ yung binayaran namin for 12 months plus yung regular bill namin monthly. So yung bill namin na 2200 plus 500+ monthly ang binabayaran namin. Ngayon naman may dumating ulit na bill deposit. 600+ naman."
"mas mainam po kung pupuntahan sa main office po ng meralco para makausap po ninyo ng maayos at magbigyan din nila kayo ng advice sa mga need na gawin."
"Same samin 5k + n dati nsa 2k+ lng wla nmn nbago s pggamit pra n cla nanghuhula kng gsto nla taasn isip nla no choice mga yan mgbbyd kesa s wla cla kuryente mga pahirap."
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang Meralco kaugnay sa isyung ito, ngunit patuloy ang panawagan ng mga konsyumer para sa mas malinaw at transparent na paliwanag sa kanilang mga bayarin.