May 21, 2026

Home BALITA Metro

98k tricycle drivers, nakakubra na ng ₱5k fuel subsidy

98k tricycle drivers, nakakubra na ng ₱5k fuel subsidy
Photo courtesy: MB


Iniulat ng Department of Social Welfare and Development na aabot sa 98,007 tricycle drivers mula sa Metro Manila ang nakatanggap na ng ₱5,000 fuel subsidy mula sa pamahalaan.

Kaugnay ito sa direktbang ibinaba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agarang bigyan ng tulong-pinansyal ang mga sektor na labis na apektado ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, bunsod ng patuloy na sigalot ng mga bansa sa Middle East.

MAKI-BALITA: ₱5k subsidy, ipamamahagi sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo-Balita

Sa ulat na ibinahagi ng DSWD kahapon ng Sabado, Marso 21, isiniwalat nilang katumbas na ito sa 81% ng mga  target beneficiaries ng nasabing subsidiya.

“As we end our four-day payout po, almost 81% po or 98,007 beneficiaries po ang nabayaran natin out of the 122,050 clean list po natin,” saad ni Crisis Intervention Program (CIP) Director Edwin Morata sa isang pahayag noong Sabado, March 21.

Nagbigay din siya ng anunsyo para naman sa mga tricycle drivers na hindi pa nakatatanggap ng fuel subsidy.

“Maaring nasa isinumiteng listahan sila na pinadala sa DSWD pero noong ni-review at dumaan sa ‘crossmatching process’ ay hindi kumpleto ang kanilang impormasyon kaya hindi sila nakasama sa ‘clean list’ na maari ng mabigyan ng cash relief assistance, o maaari naman ding diretso sila nagpunta sa payout area pero talagang wala sila sa listahan ng DSWD,” aniya.

Giit pa niya, “Ang kagandahan naman po nito nakausap na natin ang mga lokal na pamahalaan na tayo ay magbibigay ng special payout [day]. Ang sabi po ni Secretary Rex Gatchalian dapat immediate ito.”

Sa oras na matapos na ang pamamahagi sa mga tricycle drivers, isusunod namang bigyan ng tulong-pinansyal simula sa Martes, Marso 24 ang mga Transport Network Vehicle Services (TNVS) drivers, delivery riders, public utility jeepney (PUJ) drivers, at motorcycle taxi drivers na naninirahan sa National Capital Region (NCR).

“Ngayon inaayos na natin ang listahan with the help of [Land Transportation Franchising and Regulatory Board] LTFRB. Nagkaroon na rin tayo ng initial na pakikipag usap sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa loob ng NCR para masigurong malinis at maayos po ang implementasyon nito. Most probably maglalabas tayo ng bagong advisory on what will happen next week,” anang CIP director.

“For TNVS, MC taxis, delivery riders, and PUJs na nakatira sa Kalakhang Maynila, makipag-ugnayan lang po tayo sa LTFRB kase sa kanila po manggagaling ang listahan. Siguraduhin pong tama at kumpleto ang inyong impormasyon para masiguro na ang inyong pangalan ay kasama sa ating mga babayaran next week,” dagdag pa niya.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: 30 payout sites ng ₱5k fuel subsidy para sa NCR-based tricycle drivers-Balita