Iniimbitahan ng House Committee on Justice si Vice President Sara Duterte para personal na dumalo sa isang pagpupulong na magaganap sa Marso 25, 2026, kaugnay sa impeachment complaints laban sa kaniya.
Sa lihan na ipinadala kay Duterte, na pinirmahan ni House Committee on Justice Chairperson Atty. Gerville Luistro, ang naturang pagpupulong ay kaugnay sa pagtalakay ng ground rules sa magaganap na impeachment hearing.
Matatandaang kamakailan lamang ay inihayag ng House Committee on Justice na may sapat na grounds ang mga reklamong impeachment laban sa bise presidente, na nagbukas ng posibilidad para umusad ang proseso laban sa kaniya.
Kaugnay na Balita: ALAMIN: Paano nga ba umaarangkada ang impeachment process sa Kamara at Senado?
Gayunpaman, nanindigan ang kampo ni Duterte na hindi nagbago ang kanilang posisyon matapos ideklarang may sapat na batayan ang impeachment complaints laban sa kaniya ng House Committee on Justice.
Bukod sa pagtalakay ng ground rules, magkakaroon din ng inisyal na pagdinig sa mga impeachment complaint na inihain nina Rev. Father Joel Saballa, et. al na inendorso ni Rep. Leila de Lima, at Atty. Nathaniel Cabrera at inendorso ni Rep. Bienvenido Abante Jr, at Paolo Ortega V.
Maki-Balita: Rep. Abante, Rep Ortega, inendorso ikaapat na impeachment complaint kay VP Sara
Tatalakayin din sa meeting ang iba pang usapin kagaya na "Act on pending motions and/or request for subpoena, schedule of next hearings, and determination of resource speakers / witnesses to be invited for first hearing on April 14, 2026."
Samantala, wala pang pahayag ang kampo ni Duterte hinggil sa naturang imbitasyon.