May 14, 2026

Home BALITA

DOTr, inanunsyo 2-month discount sa toll ng PUVs, PUBs, freight services

DOTr, inanunsyo 2-month discount sa toll ng PUVs, PUBs, freight services
Photo courtesy: DOTr


Ipinabatid ng Department of Transportation (DOTr) ang handog na dalawang buwang pansamantalang toll discount ng private concessionaires para sa ilang mga pampublikong sasakyan sa bansa.

Kasunod ito ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo, bunsod ng patuloy na sigalot sa pagitan ng mga bansa sa Middle East, partikular na ang Israel at Iran.

Sa isang anunsyo na ibinahagi ng DOTr sa kanilang social media page nitong Biyernes, Marso 20, sinabi nilang epektibo ang nasabing toll discount simula sa Lunes, Marso 23.

“Public utility vehicles (PUVs), public utility buses (PUBs), and vehicles involved in freight services will be granted a two-month reprieve in toll rates as private concessionaires implement discounts in major tollways effective March 23,” saad ng DOTr.

Anila, “This follows President Ferdinand Marcos Jr.’s directive to the Department of Transportation (DOTr) to find ways to alleviate the effects of soaring gas prices to the transport sector amid the Middle East crisis.”

Sakop ng nasabing toll discount ang Class 1 Public Utility Vehicles (PUVs) at jeepneys, Class 2 Public Utility Buses (PUBs), at Class 3 vehicles na may kaugnayan sa freight services, kabilang na ang mga transportasyong ginagamit sa pag-deliver ng mga pangunahing produkto.

Photo courtesy: DOTr

Ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, makatutulong daw ito sa mga driver at komyuter na apektado ng nasabing krisis sa langis.

“Nagpapasalamat tayo sa San Miguel Corp., kay Mr. Ramon Ang, at sa Metro Pacific Tollways Corp., kay Mr. Manny Pangilinan dahil malaking tulong ito sa ating mga PUV drivers, commuters, pati na rin sa ating mga mamimili at mga negosyante sa kabila ng kinakaharap nating krisis ngayon sa langis,” saad ni Lopez.

Pag-aaralan din daw ang posibilidad na ma-extend ang naturang toll discount, depende sa magiging pag-aaral sa sitwasyon.

Ipamamahagi rin daw ang kabawasan sa toll fee sa pamamagitan ng rebates, na lingguhang macre-credit sa mga kwalipikadong sasakyan.

Kasabay nito, lalarga na rin sa Lunes, Marso 23, ang 50% discount para naman sa mga pasahero ng LRT-2 at MRT-3.

MAKI-BALITA: 50% na diskwento sa MRT-3 at LRT-2 para sa lahat ng pasahero, epektibo sa Lunes!-Balita

Inanunsyo rin kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pa-libreng sakay ng pamahalaan para din sa mga komyuter na apektado rin ng pagtaas ng presyo ng langis.

MAKI-BALITA: PBBM, inanunsyo libreng-sakay, diskwento sa pamasahe-Balita