Nagsalita na ang businessman na si Sam Verzosa kaugnay ng hiwalayan nila ng Kapuso Star na si Rhian Ramos.
Sa isang panayam sa podcast ng ABS-CBN na “Oh My Gan!,” na inere sa YouTube nitong Miyerkules, Marso 18, 2026, unang beses na ibinahagi ni Verzosa ang kaniyang panig hinggil sa pagtatapos ng apat at kalahating taong relasyon nila ni Rhian.
“Well, relationships are private and gusto ko sana to keep it to ourselves, but I just wanna say that what me and Rhian had was real,” ani Verzosa.
Dagdag pa niya, “That was four and a half years of our lives.”
Matatandaang kinumpirma ni Ramos ang kanilang hiwalayan kamakailan, na agad nagdulot ng samu’t saring reaksyon online, kabilang ang mga haka-haka ukol sa umano’y third party.
KAUGNAY NA BALITA: Rhian Ramos, kinumpirma hiwalayan nila ni Sam Versoza; Wil Dasovich, labas sa isyu!
Gayunman, tumanggi si Verzosa na palalimin pa ang isyu, lalo na nang matanong tungkol sa content creator na si Wil Dasovich.
“I don’t really know him personally, but I wish him well,” aniya.
Nilinaw rin ni Verzosa na wala siyang galit o sama ng loob laban kay Ramos, at iginiit na dapat manaig ang respeto kahit sa pagtatapos ng isang relasyon.
“When you truly love someone, you don’t try to destroy them when the relationship ends. If anything, you protect them,” saad niya.
Hirit pa niya, “Ay hindi… Not at all,” nang tanungin kung siya ay galit sa aktres.
Ibinahagi rin ni Versoza ang natutunan niya sa mahigit apat na taong relasyon nila Rhian hanggang sa nagtapos daw ito.
“Sobrang dami. Nag-mature ako. I learned a lot about myself, about relationships, about partnerships, about respect, trust, and self-worth,” pahayag niya.
Sa kasalukuyan, ibinuhos ni Verzosa ang kaniyang oras at atensyon sa personal na layunin at mga pangmatagalang plano, matapos amining maaaring mabago ng pag-ibig ang prayoridad ng isang tao.
“I’m not ready to mingle. I’m focused on my goals,” dagdag pa niya.