Nanguna ang bansang Findland sa buong mundo bilang “happiest country” ayon sa World Happiness Report 2026.
Ayon naturang ulat, malaki ang kinalaman ng social media na nakakaimpluwensya sa kasiyahan at kalungkutan—partikular na sa kabataan.
Ang taunang ulat, na inilathala ng Wellbeing Research Centre ng University of Oxford, ay nagsabing kapansin-pansin ang pagbaba ng life satisfaction ng mga wala pang 25 taong gulang sa mga bansang tulad ng United States, Canada, Australia, at New Zealand sa nakalipas na dekada.
Sa kabila nito, nananatiling nangunguna ang Finland bilang pinakamasayang bansa sa mundo sa ika-siyam na sunod na taon, kasama rin sa top 10 ang mga bansang Nordic gaya ng Denmark, Sweden, Norway, at Iceland.
Samantala, pumalo sa ikaapat na pwesto ang Costa Rica mula sa ika-23 pwesto noong 2023, na iniuugnay sa matibay na ugnayang pampamilya sa mga salik ng pagiging masaya sa buhay.
“We think it’s because of the quality of their social lives and the stability that they currently enjoy,” ayon sa ulat.
“Latin America more generally has strong family ties, strong social ties, a great level of social capital, as a sociologist would call it, more so than in other places,” dagdag pa nito.
Saad pa ng naturang survey, mas apektado ang mga teenage girls, lalo na ang mga gumugugol ng limang oras o higit pa sa social media, kung saan mas mababa ang kanilang life satisfaction kumpara sa mga mas kaunti ang paggamit.
Gayunman, lumalabas din sa pag-aaral na ang mga kabataang gumagamit ng social media nang mas mababa sa isang oras kada araw ang may pinakamataas na antas ng well-being, kahit kumpara sa mga hindi gumagamit nito.
“It is clear that we should look as much as possible to put the ‘social’ back into social media,” anila.
Tinukoy rin sa ulat na ang mga platform na gumagamit ng algorithmic feeds at nakatuon sa visual content at influencers ang mas may negatibong epekto, dahil hinihikayat nito ang paghahambing sa sarili ng mga gumagamit.
Samantala, nasa ika-56 na puwesto naman ang Pilipinas na sinundan ng mga bansang Paraguay, Oman, Ecuador at Montenegro.