Tuluyang sumadsad ang halaga ng piso kontra dolyar matapos itong pumalo sa $60.100 nitong Huwebes, Marso 19, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Bagong record low! Piso, lumagapak sa ₱60 kontra dolyar
Ang galaw ng piso laban sa dolyar ng US ay isang masalimuot na usapin at hindi lamang simpleng kuwento ng pagiging malakas o mahina. Ayon sa mga ekonomista, ang epekto ng pagbabago sa halaga ng pera ay nakadepende kung saang bahagi ng ekonomiya nakapuwesto ang isang tao.
Malawak ang saklaw ng epekto ng exchange rate—mula sa presyo ng langis at pagkain, hanggang sa halaga ng padala ng mga OFW, at maging sa oportunidad sa trabaho lalo na sa mga kumpanyang nakatuon sa export.
Sa pag-unawa sa mga benepisyo at posibleng pagkalugi dulot ng galaw ng piso, mas nagiging malinaw kung paano ang kahit maliit na pagbabago ay may malaking epekto sa kabuuang ekonomiya.
May magaganansya ba ang bansa kapag sumisipa ang halaga ng dolyar kontra piso?
Ayon kay University of Asia and the Pacific Economist Victor Abola, malaki-laki rin ang magandang epekto ng mataas na palitan ng dolyar sa Pilipinas.
“It is net positive. Contrary to popular belief, the depreciation of the currency actually is positive for the Philippines because of one, you have around 70 million people who benefit from it,” ani Abola sa isang artikulong isinapubliko ng GMA Integrated News noong Nobyemre 2025.
Paliwanag pa niya, sa tuwing lumulubo ang palitan ng dolyar sa bansa, may ilang libong Pilipino, ang pumapaldo at nakikinabang pa rin dito.
Kagaya na lamang ng mga nasa sektor ng Overseas Filipino Workers (OFW), freelancing, exporters at business processing outsourcing (BPO).
Ano naman ang sinisimbolo ng mababang halaga ng piso kontra dolyar?
Paldo naman para ilan, hindi maipagkakailang pahirap pa rin ito para sa karamihan. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaunahan nang nararamdaman ang epekto ng mataas na dolyar sa presyo ng bilihin sa bansa.
Bilang ang Pilipinas ay nakaasa sa pag-aangkat ng langis, makinarya at ilang pagkain, ang mas mataas na halaga ng $1 ay nangangahulugan naman ng mas marami pang ₱1. Samakatuwid, mas nagiging mahal ang halaga ng inaangkat na produkto ng bansa, sa tuwing lumulobo ang halaga ng dolyar—dahilan kung bakit nahihila nitong tumaas ang presyo rin ng pangunahing bilihin sa merkado.
“So pag-akyat ng presyo ng bilihin dahil sa pagbaba ng piso laban sa dolyar, yung ating mga inaangkat, magiging mahal din po sa Pilipinas,” anang BSP.
Sa kabuuan, naninindigan naman ilang ilang eksperto sa bansa na hindi mainam ang patuloy na paghina ng piso o sobrang paglakas din nito.
Mas mahalaga ang isang matatag at competitive exchange rate upang masiguro ang tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya habang napipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.