Nagpahayag ng pagkalito si Sen. Imee Marcos hinggil sa pagkakasuspinde ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa fare hike bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo bunsod ng sigalot sa Middle East.
Sa ambush interview kay Sen. Imee nitong Miyerkules, Marso 18, natanong ang kapatid ng Pangulo patungkol sa pagbawi sa napipinto sanang pagtataas ng presyo ng pamasahe.
"Oo nga, nakakalito. Nakita naman natin sa kalsada, halos walang tao kasi akala may fare hike. Biglang inatras na naman, ano ba talaga? Wala ba kayong GC (group chat)? Nakakalito. Ginulo n'yo kami hanggang gabi kagabi, na tapusin na 'yong excise tax authorization sa presidente, pagkatapos sasabihin naman ng ating finance secretary na hindi pa kailangan 'yang excise tax na 'yan," paliwanag ng senadora.
"GC please! Hilong-hilo na kami," banat pa ni Sen. Imee.
Matatandaang inanunsyo mismo ni PBBM na ipagpapaliban muna ang fare hike ngayong araw ng Miyerkules, Marso 18, sa pamamagitan ng video statement.
Aniya, nakita raw niya ang usapin sa taas-pasahe at agad niyang ipinag-utos sa Department of Transportation (DOTr) na suspindihin pansamantala ang implementasyon nito.
Matatandaang kinumpirma ni DOTr Sec. Giovanni Lopez noong Martes, Marso 17, na inaprubahan na ang taas-pasahe na ₱1 sa mga traditional jeepney at ₱2 sa mga modern jeepney.
Base naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), magkakaroon ng ₱15 at karagdagang ₱2.49 para sa bawat susunod na kilometro fare hike para sa mga ordinary metro/city bus, habang pamasahe para sa unang limang kilometro ng ordinary provincial bus ay ₱12.
Magkakaroon naman ng ₱40 dagdag-pamasahe sa airport taxis. Mula sa dating ₱75, magiging ₱115 na ang first 500 meters.
Para naman sa transportation network vehicles services (TNVS), magkakaroon ng ₱20 dagdag-pamasahe sa lahat ng uri ng sasakyan.
"Sa aking palagay, dahil nga, may problema pa rin tayo dahil sa giyera sa Middle East ay sabi ko, ‘Siguro hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan,’” paliwanag ng Pangulo.
Dahil dito, ipinag-utos daw niya sa DOTr na huwag munang ituloy ang taas-presyo ng pamasahe para sa taumbayan.
“Kaya at inutos ko sa DOTr na suspindihin muna ang fare hike at i-differ muna natin ‘yan,” saad niya.
Paglilinaw niya, “I-postponed na muna natin ‘yan dahil nasa gitna ngayon tayo nitong sitwasyon na ito na kailangang ay patuloy ang ating pag-alalay sa ating mga commuter, sa lahat ng ating mga manggagawa, mga estudyante, lahat ng gumagamit ng transport system.”
Maki-Balita: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!