Patay ang isang 19-anyos na lalaki na natagpuan sa loob ng isang nasunog na wing van sa Barangay Inagdangan Centro, Zarraga, Iloilo.
Kinilala ang biktima na si Jansen “Mico” Brillo, isang graduating student na nagtatrabaho bilang crew ng A3DS sound system at residente ng Barangay Dala, Mina, Iloilo.
Ayon sa pulisya, sinabi nilang natanggap na nila ang medico-legal report mula sa isinagawang autopsy sa biktima kung saan may nakita umanong sugat sa kaniyang katawan.
Saad pa nila, may posibilidad na hinampas ng matigas na bagay o sinaksak ang biktima.
Gayunman, hindi pa nila makumpirma kung may naganap na foul play sa pagkamatay nito habang hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay sa sanhi ng sunog.
Dagdag pa ng mga awtoridad, kabilang sa mga anggulong kanilang sinusuri ang posibleng pinagmulan ng sunog, kabilang ang isang hindi napatay na sigarilyo.
Inimbestigahan na rin ng pulisya ang mga kasama ni Brillo ngunit wala umano silang naiulat na may kaaway ang biktima.
Sa ngayon, patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at kung may kinalaman ang iba sa pagkamatay ng biktima.
Samantala, nananawagan naman ng hustisya ang pamilya ng biktima para sa kanyang sinapit.