May 10, 2026

Home FEATURES

#BALITAnaw: Si FVR, ang promotor ng 'Philippines 2000'

#BALITAnaw: Si FVR, ang promotor ng 'Philippines 2000'
Photo courtesy: Wikimedia Commons/website


Natatandaan mo pa ba si FVR? Ang naging marka niya sa politika ng bansa, naaalala mo pa ba?

Ngayong Miyerkules, Marso 18, ginugunita ang ika-96 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, o mas tanyag sa taguring “FVR.”

Si FVR ang ika-12 Pangulo ng Pilipinas, na nanilbihan mula 1992-1998.

Sinundan niya sa pagkapresidente si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino, na tinagurian namang “Ina ng Demokrasya.”

Personal na detalye ni FVR

Mga Pagdiriwang

Salitang Ina: Mga litanya ni Nanay sa pagpapalaki ng mga anak

Si dating Pangulong Ramos ay isang sundalo, statesman, at peacebuilder, na nagmula sa isang pamilya na may direktang impluwensya sa politika at militar.

Lumaki si FVR sa Lingayen, Pangasinan kasama ang ama niyang si Narciso Rueca Ramos na isang mamamahayag, abogado, at mambabatas, pati na rin ang ina niyang si Angela Valdez na isa namang guro at “vocal advocate” ng “women suffrage.”

Edukasyon ni ex-Pres. Ramos

Nag-aral si FVR ng elementarya sa Lingayen Central Elementary School. 

Ayon sa mga ulat, nagpakita rito ng kahusayan si FVR, dahilan para siya ay maging “consistent top student” ng nasabing paaralan.

Kinuha naman niya ang kaniyang sekondarya sa University of the Philippines High School, Mapua Institute of Technology, at nagtapos sa Centro Escolar University Integrated School noong 1945.

Para sa kaniyang kolehiyo, nakatanggap siya ng scholarship sa United States Military Academy sa West Point, at nagtapos naman sa kursong Bachelor of Science in Military Engineering noong 1950.

Propesyonal na buhay ni FVR

Tumagal sa humigit-kumulang apat na dekada ang serbisyo ni Ramos sa militar, kung saan nagsimula siya bilang isang second lieutenant at infantry reconnaissance platoon leader.

Noong Mayo 1952, naging bahagi rin siya ng 20th Battalion Combat Team of  the Philippine Expeditionary Forces to Korea (PEFTOK).

Matapos ang humigit-kumulang isang dekada, siya naman ay nagsilbi bilang civil-military leader noong Vietnam War.

Noong 1965 hanggang 1968, siya ay naging Chief of Staff ng Philippine Civil Action Group (PHILCAG).

Pinangunahan din ni FVR ang modernisasyon ng Philippine Military structure, kung saan siya ang nagtatag ng kauna-unahang elite Special Forces of the Armed Forces of the Philippines.

Siya rin ang nagsilbing unang commanding officer nito mula 1962 hanggang 1965.

Ex-Pres. Ramos sa gitna ng Batas Militar, EDSA Revolution

Noong Enero 1972, walong buwan bago ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa bansa, itinalaga muna siya nito bilang Chief of the Philippine Constabulary, na hinawakan niya sa loob ng 14 na taon.

Naging miyembro din siya ng tinaguriang “Rolex 12,” ang grupong nasa likod umano ng pagpaplano at pagkakasa ng Batas Militar na tumagal ng higit dalawang dekada.

Noong taong 1986, nagplano si dating senador Juan Ponce Enrile ng isang kudeta laban kay dating Pangulong Marcos, na siyang sinuportahan ni Ramos.

Bumaliktad ang dalawa at sila ay umanib kay dating Pangulong Cory Aquino, kung saan nanguna rin sila sa EDSA People Power Revolution, na nagpatalsik naman kay ex-Pres. Marcos.

Pagkapangulo ni FVR

Isa sa highlights ng pagiging presidente ni Ramos noong 1992 hanggang 1998 ay ang ikinasa niyang “Philippines 2000,” isang programa na layong bumuo ng ekonomiyang “newly-industrialized” sa pagpasok ng bagong siglo.

Binuo ito ni Ramos gamit ang limang pillars o elemento: Peace and stability, Economic Growth, Energy Development, Environmental Protection, at Streamlined Bureaucracy.

Naitala sa ilalim ng administrasyong Ramos ang 5% annual growth sa Growth National Product (GNP) ng bansa. 

Bumaba rin sa 31.8% ang extreme poverty rate sa bansa noong 1997, kumpara sa 39.9% noong siya ay umupo bilang Pangulo ng taong 1992.

Tila natapos din sa kaniyang administrasyon ang krisis sa eherhiya at tumaas ang foreign exchange inflow ng bansa.

Nagpatuloy ang paninilbihan ni FVR sa pamahalaan at iba pang mga ahensya kahit pa natapos na ang kaniyang termino sa pagkapangulo.

Pagkamatay ni ex-Pres. FVR

Nasawi si dating Pangulong Ramos noong Hulyo 31, 2022, sa edad na 94, dahil umano sa komplikasyong dala ng Covid-19 Omicron variant.