Patay ang isang 31-anyos na babae matapos mawalan ng malay habang nakapila sa validation para sa ayuda ng mga naapektuhan ng bagyo sa Mandaue City, Cebu.
Ayon sa mga ulat, nangyari ang insidente sa public gymnasium sa Barangay Opao, Mandaue City, Cebu kung saan isinasagawa ang validation ng mga benepisyaryo para sa ₱5,000 cash aid ng pamahalaan para sa mga nakaligtas sa Typhoon Tino na tumama sa lalawigan noong nakaraang Nobyembre.
Kinilala ang biktima na si Mary Christ Cuizon—ina ng apat na anak niyang naulila, kung saan ang bunso ay anim na buwan pa lamang.
Ayon sa ama ng biktima, nais niyang makita ang CCTV footage sa gymnasium upang malaman kung ano talaga ang nangyari sa kaniyang anak.
Ibinahagi rin niya na may natanggap siyang impormasyon na umano’y inabot ng humigit-kumulang 30 minuto bago natulungan ng mga tao ang kaniyang anak.
Nang maisagawa umano ang cardiopulmonary resuscitation (CPR), wala na itong buhay.
Samantala, humiling na ng incident report ang tanggapan ng city administrator ng Mandaue at inaasahang maglalabas ng opisyal na pahayag kaugnay ng insidente.
Isinagawa ang aktibidad sa gymnasium sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng City Social Welfare Office ng Mandaue.
Noong Sabado, Marso 13, binisita ng mga tauhan ng dalawang tanggapan ang pamilya ng biktima at naghatid ng tulong. Kabilang sa ibinigay sa pamilya ang isang sako ng bigas at dalawang kahon ng delatang pagkain, habang isinailalim din sila sa psychological intervention.
Sa isang pahayag noong Sabado rin, sinabi ng DSWD na patuloy silang nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang maayos at sistematikong pagsasagawa ng verification at payout activities.
"Measures implemented include dedicated lanes for senior citizens and pregnant women, as well as the deployment of the LGU Response Team to move around the venue to check on the condition of beneficiaries. We also consistently remind our LGU partners that the frail, sick, elderly, and those caring for children should be exempted from long queues and provided appropriate assistance," ayon sa ahensya.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang DSWD sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Cuizon.
"We stand in solidarity with those affected during this difficult time and reaffirm our commitment to the safety and well-being of all our beneficiaries,” pahayag pa ng ahensya.