Nagbigay ng isang inspirational na mensahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa hinirang na 55 Bagong Pilipinas Barangay Scholars o “Presidential Scholars” nitong Huwebes, Mayo 21, sa Obando Central School.
“Ang lagi kong sinasabi sa ating mga ‘Presidential Scholar,’ sana mapakinabangan n’yong mabuti ito. Sa karanasan ko, talagang naramdaman ko ‘yan. Ako’y napakapalad, nakapag-aral ako sa magagandang eskwelahan. Sa buong buhay ko, mula noong nag-graduate ako, buong buhay ko, nagagamit ko ‘yung mga natutunan ko. Araw-araw, nakikita ko, nagagamit ko ‘yan,” saad ni PBBM.
“Kaya’t ito’y biyaya na ibinibigay sa inyo para kayo ay magtapos, maganda ang training n’yo, at marami kayong alam. Ito’y habambuhay. Ang edukasyon ay kayamanang hindi na makukuha sa inyo. Hindi malulusaw ‘yan, hindi maaagaw ‘yan, hindi mananakaw ‘yan. Habang buhay kayo, andiyan, nasa sa inyo ‘yan. Magagamit ninyo para pagandahin ang inyong buhay, buhay ng pamilya ninyo, at saka ‘yung community ninyo,” dagdag pa niya.
Isa pa sa binanggit ni PBBM ay ang kahalagahan ng maayos na edukasyon upang mas maging maayos ang pamumuno ng kabataan sa bilang mga susunod na lider ng bansa.
“Pagbutihin ninyo. Alam n’yo naman, hindi kami forever nandito. Darating ang araw, kayo naman ang liderato dito sa Pilipinas, hindi sa gobyerno lang. Kayo ang magpapatakbo ng [mga] negosyo, kayo ang magiging teacher, kayo ang magiging nasa mataas na pamahalaan. Kayo na ang magpapatakbo ng Pilipinas, kaya’t kapag maganda ang pag-aaral ninyo, maganda ang pagtakbo ng Pilipinas, at matutulungan n’yong pagandahin ang buhay ng mga kababayan natin,” saad ng Pangulo.
Sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF), layon ng inisyatibang “Bawat Barangay Makikinabang” ng pamahalaan maglaan ng ₱200,000 sa mga barangay.
Mula sa kabuoang budget, ang ₱100,000 dito ay nakalaan sa limang “presidential scholars” kada barangay, at bawat isa rito ay nakatakdang makatanggap ng ₱20,000 na educational assistance upang matiyak na bawat kabataan sa bansa ay mga access sa dekalidad na edukasyon at training.