Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Atty. Polo Martinez na may hiling na ang ahensya para sa Red Notice sa Interpol laban kay Sen. Ronald "Bato" dela Rosa, na maituturing nang isang "fugitive," ayon mismo kay DOJ Sec. Fredderick Vida.
Sa isinagawang press briefing ng ahensya nitong Huwebes, Mayo 21, sinabi ni Martinez na may aplikasyon na ang DOJ para sa Red Notice, bilang bahagi aniya ng legal remedy na mayroon ang Pilipinas sa pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ang Red Notice ng Interpol ay isang uri ng pandaigdigang abiso, na inilalabas upang matulungan ang mga bansang kasapi na matunton at pansamantalang maaresto ang isang taong pinaghahanap dahil sa mabigat na krimen.
Hindi ito awtomatikong warrant of arrest, ngunit nagsisilbi itong paalala sa mga awtoridad sa iba’t ibang bansa na may indibidwal na nais usigin o ipabalik sa bansang naghain ng kaso.
Layunin ng Red Notice na mapabilis ang international cooperation laban sa mga itinuturing na suspek na nagtatangkang magtago sa ibang bansa.
Maituturing na "fugitive" o takas sa batas si Sen. Bato, ayon mismo kay DOJ Sec. Vida.
Aniya pa, inatasan na ang law enforcement agencies gaya ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad na ang warrant of arrest laban kay Sen. Dela Rosa mula sa ICC kaugnay sa pagiging co-perpetrator sa kasong crimes against humanity na kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa war on drugs noong kaniyang administrasyon.
"The Philippine law enforcement agencies, which would include the PNP and National Bureau of Investigation, are now tasked to effect the arrest of Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa. Sen. Bato is a fugitive from justice, and he should be brought to the ICC to face the charges before him," saad ni Vida.
Maki-Balita: Finding Bato? Sen. Dela Rosa, 'fugitive' na ayon kay DOJ Sec. Vida!
Nagbabala rin ang hepe ng DOJ sa sinumang tutulong kay Dela Rosa na takasan ang mga awtoridad na tutugis sa kaniya.
Maki-Balita: 'There are consequences!' DOJ, nagbabala sa mga tumutulong kay Sen. Bato
Matatandaang lumabas na ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa inihaing petisyong temporary restraining order (TRO) ng kampo ng senador, na naglalayong hindi pahintulutan ang pag-aresto sa kaniya ng ICC.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ang kinaroroonan ng senador, matapos na umalis ng premises ng Senado noong Mayo 14 ng madaling-araw, matapos ang kaguluhan sa Senado noong Mayo 13, kahit na pinagkalooban siya ng preventive custody sa pag-apruba ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Tikom pa rin ang bibig ng legal team ng senador na sina Atty. Jimmy Bondoc at Atty. Israelito Torreon tungkol sa kinaroroonan ng kanilang kliyente.