Kinumpirma ng Registry ng International Criminal Court (ICC) na nagkaroon ng ilang “rare” o bihirang insidente ng pagkakadapa si dating pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng detention facility nito sa The Hague, bagama’t wala umanong naitalang insidente sa nakalipas na 30 araw.
Batay sa pitong pahinang dokumento na may petsang Mayo 13, 2026, at isinapubliko nitong Huwebes, Mayo 21, sinabi ng ICC Registry na agad namang natutulungan si Duterte tuwing nagkakaroon ng insidente.
“Ergonomic adjustments are made to the placement of items in his cell and in the visiting rooms in order to allow him to have more free and stable movement. On rare occasions where Mr. Duterte did have a fall, ICC Detention Centre custody staff were able to respond immediately to assist him, and immediately call for medical assessment,” ayon sa dokumento.
Dagdag pa rito, nagsagawa rin umano ng mga pagbabago sa loob ng selda ni Duterte upang mas maging maayos ang kaniyang paggalaw at pananatili.
“Following these rare events, adjustments have been made to his cell, to better accommodate his comfort and movement and are adjusted as needed,” saad pa sa filing.
Ayon pa sa ICC Registry, “There has not been any fall recorded in the last thirty days.”
Ang naturang pahayag ay tugon ng ICC Registry sa hiling ng kampo ni Duterte na makakuha ng ilang impormasyon kaugnay sa kalagayan ng dating pangulo habang nasa kustodiya.
Nauna nang humiling si dating lead defense counsel na si Nicholas Kaufman ng access sa video surveillance ng selda ni Duterte matapos umanong sabihin ng dating pangulo sa kaniyang legal team at pamilya na nakararanas siya ng madalas na pagkawala ng balanse at pagkakadapa.
Sa parehong filing, sinabi ng ICC Registry na ang galaw ni Duterte ay “consistent with his age and mobility.”
“The use of cell monitoring… helps to optimize his care, which is why it continues to be reviewed and may be ordered every 14 days until the Medical Officer no longer deems it necessary,” ayon pa sa dokumento.
Ipinaliwanag din ng ICC Registry na ang anumang medical at ergonomic accommodations sa detention facility ay nakabatay sa payo ng Medical Officer ng ICC at sinusuri ng pamunuan ng detention center.
Matatandaang mahigit isang taon nang nananatili sa kustodiya ng ICC si dating Pangulong Duterte magmula nang maaresto siya noong Marso 2025 sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.