Pinasinungalingan ng Department of Education (DepEd) ang isang anunsyong kumakalat sa social media hinggil sa umano’y suspensyon ng klase tuwing araw ng Huwebes at Biyernes.
Kaugnay ito sa isang social media post na nagsasabing suspendido raw ang klase tuwing Huwebes at Biyernes, sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan, sa lahat ng antas, simula ngayong Huwebes, Marso 12.
Sa isang pahayag na ibinahagi ng DepEd nito ring Huwebes, Marso 12, nagpaalala rin sila na maging mapanuri sa mga nababasang impormasyon sa social media.
“Mga Ka-DepEd, fake news ang kumakalat na post sa social media tungkol sa umano’y suspensyon ng klase tuwing Huwebes at Biyernes,” saad ng DepEd sa kanilang Facebook post.
Anila, “Muling pinaaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita online.”
Babala ng ahensya, agad daw na iulat ang mga pahinang nagpapakalat ng maling impormasyon, at siguruhing sumusunod lamang sa mga opisyal na pahina ng DepEd.
“Huwag i-follow ang mga page na nagpapakalat ng maling impormasyon at agad itong i-report,” anang DepEd.
“Para sa tama at opisyal na anunsiyo tungkol sa basic education, sumangguni lamang sa official DepEd Philippines social media accounts,” pagtatapos nila.
Photo courtesy: DepEd Philippines/FB