Sumagot na si Bulacan Vice Governor Alex Castro sa pahaging ni Alvin Aragon sa laban sa kaniya dahil sa pagpayag niyang sumayaw nang nakasuot ng damit na nakakaakit ang asawa niyang si SexBomb Girls member Sunshine Garcia.
Si Alvin ay mister ng dating miyembro ng nasabing iconic at phenomenal girl group na si Izzy Trazona, na hindi nakasama sa reunion concerts ng grupo, subalit sorpresang lumitaw sa rAWnd 4 concert.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Martes, Marso 10, sinabi niya ang rason kung bakit hindi sya tumugon matapos niyang malaman ang pahayag ni Alvin laban sa kaniya.
“Siguro nirespeto ko na lang kung ano ‘yong sinabi niya. Saka parang ang dami kong dapat intindihin sa Bulacan para patulan ko ‘yong gano’ng isyu,” saad ni Alex.
Gayunman, nilinaw niyang wala umano siyang galit kay Alvin.
“Kasi ang nakikita ko po,” paliwanag ni Alex,” ‘yong sinasabi niyang nagnanasa, do’n sa tumitingin ang may problema, hindi ‘yong sa sumasayaw. Ang may mali do’n kung may pagnanasa ang nanonood.”
Matatandaang nauna nang purihin at hangaan ng fans si Alex dahil sa suportang ibinigay niya sa kaniyang misis, na ipinagpasalamat naman nito nang bongga!
Maki-Balita: SexBomb Sunshine, todo-pasalamat sa support ng mister: 'Hinahayaan mo akong mag-grow!'