May 21, 2026

Home BALITA Probinsya

Mister sinundo ng misis sa inuman, binalingan at sinaktan biyenang PWD!

Mister sinundo ng misis sa inuman, binalingan at sinaktan biyenang PWD!
Photo courtesy: Freepik

Isang lasing na lalaki ang naaktuhan sa video na nanakit sa kaniyang biyenang babae na isang Person with Disabilities (PWD) dahil sa naging away nila ng kaniyang misis. 

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, batay sa pahayag ni Desiree Villanueva, isa sa mga anak ng sinaktang biyenan Marso 3 raw noon sa Brgy. Las-Ud, Tagudin, Ilocos Sur, nang mangyari ang insidente sa pagitan ng kaniyang bayaw at kaniyang ina.

“March 3 po… nangyari po ‘yong pananakit ng brother-in-law ko po sa mother namin,” pagsisimula niya. 

Aniya pa, napagdesisyunan daw ng kapatid na sunduin ang asawa sa trabaho nito, na nasa kalapit na barangay. Naabutan daw ng kapatid na nakikipag-inuman ang mister. 

“Magdidilim na po ‘yon no’ng naisipan ng ate ko na sunduin po ‘yong asawa niya sa kalapit barangay lang po, dito sa… Tagudin, Ilocos Sur kasi doon po siya nagwo-work,” pagkukuwento niya. 

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Dagdag niya, “Then nakikipag-inuman po siya doon no’ng sinundo ng ate ko. Pagkauwi po nila, bago po nangyari ‘yong pananakit, meron na po silang away ng ate ko.” 

Pagdating umano sa bahay, nagwala raw ang mister ng kaniyang ate. Himutok nito, napapabayaan na raw siya ng asawa dahil sa pag-aasikaso sa kanilang inang PWD. 

Dito umano nangyari ang insidenteng naaktuhan sa video sa pagbunton ng galit at pananakit ng lalaki sa kaniyang biyenan at ina nina Desiree. 

“Nagwala-wala po siya doon sa bahay namin dito sa Brgy. Las-Ud, Tagudin, Ilocos Sur… kasi may away na po sila ng ate ko na napapabayaan na daw po kasi ng ate ko ‘yong bayaw ko. Kasi naitutuon na raw ng ate ko [ang] lahat ng oras niya sa mother ko—sa mother namin,” saad niya.  

“Kaya po napagbuntunan po ng galit ng brother-in-law ko si Mama. Kaya daw po niya ito nasaktan,” pahabol pa niya. 

Samantala, nanawagan naman si Desiree sa awtoridad ng tulong upang maaksyunan ang nangyaring pangmamaltrato ng bayaw niya sa kanilang ina. 

“Dahil po sa nangyari, nananawagan po ako at humihingi po kami ng tulong—lalo na po sa mga kapulisan—para po mabigyan po ng hustisya sa nangyari po kay Mama,” ‘ika niya. 

“Kasi hindi po makaturangan ‘yong ginawa niya at kahit sinong tao po, wala pong rights para gawin ‘yon sa mga taong wala pong kalaban-laban. Lalo na po, PWD po si Mama. Humihingi din po kami ng tulong sa mga expenses po ni Mama sa pang-araw-araw po niya na ginagamit,” pagtatapos pa niya. 

Dagdag pa rito, inihayag din ng ABS-CBN na kinondena na raw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nangyaring insidente at nakatakda na raw na magsampa ng reklamo ang mga anak ng biktimang ginang laban sa nananakit na lalaki. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita