Binalaan ng Malacañang ang mga mananamantala umanong kompanya at negosyo hinggil sa patuloy na nakaambang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng media kay Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Lunes, Marso 9, 2026, iginiit niyang may kalalagyan ang mga mananamantala sa presyo ng krudo at gasolina.
“Hindi po dapat kayo magsamantala. Ang gusto po ng Pangulo ay magtulungan tayo,” ani Castro.
Saad pa ni Castro, maaaring mademanda ang mga mananamnatalang maningil o magbenta ng mas mahal sa itinakda ng Department of Energy (DOE).
“Kayo po ay nagsamantala, mayroon po kayong kalalagyan. Kayo po ay madedemanda at maaari pa kayong matanggalan ng pagkakataon na kayo ay makapagnegosyo,” anang PCO Undersecretary.
Iginiit din niya ang gusto raw mangyari ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa krisis na kinahaharap ng bansa bunsod ng nangyayaring kaguluhan sa Middle East.
“Tandaan n’yo po, ang sabi po ng Pangulo, 'Magtulungan tayo.' 'Pag hindi po kayo tumulong at kayo po ay nang-abuso sa kahinaan na nangyayari po ngayon, kayo po ay maaaring mademanda, at may kaukulang parusa po 'yan,” giit ni Castro.
Samantala, nitong Lunes din nang may isyuhan na ng show cause order ang DOE laban sa isang gasolinahan sa Pasig City bunsod umano ng overpricing nilang bentahan ng produktong petrolyo, sa kabila ng pagtatakda nila ng tamang presyo.
“May mga report po sa atin, March 6 tsaka March 7, hindi sila sumunod sa mga utos na 'to. Kaya dapat magpaliwanag sila within 24 hours,” anang DOE nitong Lunes, Marso 9.
Dagdag pa nila, “The establishment failed to comply with the advisory dated March 6, 2026, issued by the Department of Energy in compliance with fuel pricing and loading policies.”
KAUGNAY NA BALITA: Gasolinahan sa Pasig na nagtaas ng 54% sa presyo ng petrolyo, buminggo sa DOE!